 |
| |
| |
| Sa Isang Salita: 'Yabang' ni Msgr. Noel |
| 14 November 2023 |
| |
|
Sa isang article sinulat ni F. Sionil José, tinukoy niya ang isa sa di magandang aspeto ng ating kultura: "We are great show-offs.... yabang – that is what we are, and all that money expended on status symbols, on yabang... How much better if it were channeled into production."
Masakit pero may katotohanan ang kanyang sinabi. Nag-uugat ang kayabangan sa pagtanggi sa katotohanan. Dahil ayaw nating tanggapin ang tunay na estado sa buhay, nagtatago tayo sa likod ng mga pagkukunwari. Anila, "matalo na sa yaman, huwag lang sa yabang." Dito nagsisimula ang maling pagpapahalaga. Ang mga pera at yaman na sana'y magamit sa mga bagay na kapaki-pakinabang ay nalulustay lamang sa luho at mga mamahaling alak, alahas at gadgets na nagsisilbing 'status symbol' sa lipunang ginagalawan.
Lagi nating alalahanin na ang kayabangan ay sinusundan ng pagbagsak at kapahamakan. Tinanggihan ni Adan ang kanyang estado bilang 'nilikha' at 'alikabok' lamang at hinangad na makapantay ng sa kanya ay Lumikha.
Ipinaalaala ng ebanghelyo ang ating tunay na katatayuan: "tayo'y aliping walang kabuluhan; ginagawa lamang natin ang ating mga tungkulin." Sa harap ng Diyos, wala tayong dapat ipagmalaki. Ang lahat nating pagpapagal at pagsisikap ay isang pagpapahayag lamang ng ating katatayuan bilang lingkod.
Taglay ang kaisipang ito, ang kayabangan ay mapapalitan ng kababaang-loob at pasasalamat. Maging ang ugnayan natin sa kapwa ay mababago. Mababatid natin na tayo ay pinag-iisa ng bigkis ng kapatiran sa iisang Diyos at Ama.
Magpapanibago rin ang ating ugnayan sa kalikasan. Hindi lamang 'bagay' na dapat 'gamitin' at abusuhin ang likas na yamang bigay ng Diyos. Ito'y kaloob: bahagi natin at kabahagi sa sangnilikha.
*Martes sa Ikatatlumpu't Dalawang Linggo sa Karaniwang Panahon |
|
| |
|
|
|
| |
| |
|
| |
|
| |
|
|