Sa Isang Salita: 'Waldas' ni Msgr. Noel
19 November 2023
 
"Hindi kami naging mabuting katiwala ng kalikasan... Ang kapaligiran ay nagdurusa sa aming kamalian, at ngayon ay aming inaani ang aming pagmamalabis at kawalang pakialam."

Ito ang ipinapahayag ng bahaging ito ng Panalangin (Oratio Imperata) sa nararanasan nating sunud-sunod na kalamidad. Nakalimutan natin kung sino tayo at kung sino ang May-ari sa atin.

Ipinapaalaala ng ebanghelyo na tayo ay mga katiwala lamang. Sinuman tayo o anumang hawak natin ay pag-aari ng Diyos. Ito ang mensahe ng Talinghaga ng Talento.

Dito ay nakapaloob ang limang katotohanang sandigan ng Buhay-Katiwala:

1. Principle of ownership - ang Diyos na lumikha sa lahat ang may-ari sa atin at sa lahat ng tinatamasa nating pagpapala.

2. Principle of responsibility - tungkulin nating pagyamanin at gamitin sa tama ang mga kaloob.

3. Principle of accountability - tayo ay mananagot sa Diyos kung paano natin ginugol ang ating hiram na buhay at magsusulit tayo sa kanya sa katapusan.

4. Principle of proportionality - ang pinagkalooban nang marami ay hihingan din nang marami.

5. Principle of reward - ang mabuting gawa ay may katapat na gantimpala

Paano natin nilinang at ginamit ang limang "T" na ipinagkatiwala sa atin: Treasure (Yaman), Time (Panahon), Talent (Talino at Galing), Temple (Kalikasan), Testimony (Pagpapatotoo sa Pananampalataya)? Ginugugol at pinagyayaman ba natin ang mga ito upang tayo ay makapagsulit ng karampatang "tubò" sa Diyos na nagkaloob ng lahat?

Sabi sa Katesismo, ang lahat ng bagay sa daigdig ay nakalaan para sa lahat (CCC 2402). Ang pagwaldas o pagsira ng likas na yaman ng iilang tao o bansa ay taliwas sa katotohanan na ang daigdig ay regalo ng Diyos sa lahat at ang mga kaloob na ito ay pag-aari ng lahat.

Ang pagsira at pag-aabuso ng tao sa mga kaloob ng Lumikha ay pagnanakaw ng oportunidad sa mga lubhang nangangailangan.

Ang Nobyembre ay Stewardship Month o Buwan ng Buhay-Katiwala. Ang susunod na Linggo naman, ang huling Linggo sa kalendaryo ng simbahan, ay Kapistahan ng Kristong Hari. Sa oras ng ating pagsusulit sa Hari ng Santinakpan, matagpuan kaya tayong handa?

*Ikatatlumpu't tatlong Linggo sa Karaniwang Panahon

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN