Sa Isang Salita: 'HulĂ­' ni Msgr. Noel
26 November 2023
 
Lahat ng huli ay crucial o decisive. "Make or break," ika nga. "Do or die." Sa basketbal, crucial ang last two minutes. Sa mga magsusugal, inaabangan ang last card. Sa isang malapit nang mamatay, mahalaga ang last will.

Ngayon ay huling Linggo sa taon ng Simbahan - Kapistahan ng Kristong hari. Ang tanong: sa dulo o katapusan, sino o ano ang naghahari sa ating buhay?

Tunay nga, "we die as we live." Ang kahulugan ng ating kamatayan ay nakasalalay sa kung paano tayo nabuhay. Kinamamatayan ng tao ang serye ng mga pasya na kanyang ginawa. Mahirap nang magbago ang isang tao namihasa na sa masamang gawi.

Sa huling araw, malalantad ang tunay nating pagkatao. Ang paghuhukom ay tulad ng apoy: pinalilitaw nito ang kinang ng ginto, pero tinutupok ang damo at dayami. Ang paghuhukom ang maghahayag kung tayo ay tunay o huwad Kristiyano.

Sa ebanghelyo, iisa ang sukatan at pamantayan ng pagiging totoong alagad: ito ang paglingap sa mga nangangailangan. "Ang ginawa ninyo sa isa sa mga pinakamalilit na ito ay ginawa ninyo sa akin," ani Hesus.

Maganda ang ipinapahayag ng theme song ng Alak Kapwa:

"Di ba't sadyang may kapwa ang sarili
Dapat hainan ng pagsisilbi
At mamangha, ligaya'y dadalisay
'Pag sa kapwa, buhay mo ay naalay."

Bakit "ligaya'y dadalisay"? Sapagkat malimit kaysa hindi, walang lalim at panandalian ang ating kaligayahan. Inuuna natin ang kaluguran ng sarili. Mababaw ang ating paghahangad. Ngunit, ang ang ating "ligaya'y dadalisay," kung gugugulin natin ang ating buhay sa paglilingkod sa kapwa.

Sabi pa ng awit:

"Bawat galing, gamitin sa paglingap
Laging damhin, kung may naghihirap
At tandaan: ganyang pagmamahalan
Unang unang atas ng kabanalan."

Ang unang atas ng kabanalan ay hindi lang ang pagluhod para magdasal. Kailangan din ang pagkilos tungo sa iba. Ang paggamit ng ating mga kaloob para sa paglingap ang unang atas ng kabanalan. Ang ganda ng Simbahan ay wala sa dekorasyon kundi na sa partisipasyon ng bawat isa sa pagbibigay-kapangyarihan sa mga dukha.

*Huling Linggo sa Taon ng Simbahan, Kapistahan ng Kristong Hari

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN