KIDS’ FEST 2023
04 November 2023
 
Ika-apat ng Nobyembre taong kasalukuyan - Isinagawa ang Diocesan Kids Fest 2023 sa Sentro Pastoral Auditorium na may temang "Mga Batang Naglilingkod sa Diyos na may Malasakit sa Kapwa at Sangnilikha". Ito ay dinaluhan ng higit isangdaang mga bata mula sa iba't-ibang parokya ng Diosesis. Pinasimulan ito sa isang Banal na Misa na pinangunahan ng Lub. Kgg. Mel Rey M. Uy D.D. ,Obispo ng Lucena kasama ang ilang kaparian. Hinamon ng Obispo ang mga bata sa kanyang homiliya upang magpakumbaba at magmalasakit sa kapwa. Matapos nito ay nagkaroon ng kaunting pananalita si Reb. P. Edwin Panergo, Rector ng Minor Seminary, para sa panghihikayat ng bokasyon sa pagpapari. Sinundan ito ng pananalita ni Reb. P. Gaddi Martin Gilbuena, Director ng Apostolate on Kids. Binigyang diin niya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng pagmamalasakit sa kapwa at sangnilikha at gayundin ang kabutihang loob sa buhay ng bawat isa. Dito rin ay pinasalamatan niya ang bawat bata sa aktibo nilang pagtugon sa mga gawain sa kanilang kinabibilangang parokya. Matapos ang pananghalian ay isinagawa ang mga pagtatanghal ng bawat parokya at mga palaro na kinagiliwan at kinapulutan ng aral ng bawat isa. Natapos ang Kids Fest sa pagbibigay ng mga sertipiko ng pagkilala para sa mga parokyang dumalo at sa panghuling pagbabasbas na iginawad ni P. Gilbuena. Naging matagumpay ang pagdiriwang na ito sa tulong din ng staff ng Apostolate on Kids sa patnubay ng director.

 
   
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN