 |
| |
| |
| Sa Isang Salita: 'Adbiyento Na' ni Msgr. Noel |
| 03 December 2023 |
| |
|
"Dumating na" ang pangalan ng isang tindahan sa Lucena. Kakaiba man pero ang dahilan ng may-ari kung bakit ito ang napili niyang pangalan: "ito po ang katuparan ng matagal ko nang dasal." Tunay nga, sa mga wagas manalig, may 'aparisyon' ang kabutihan ng Diyos. God's goodness always takes on a visible form.
Ang kabutihan ay hindi lang konseptong nasa ating isip. Ito ay nagkakaroon ng hubog at anyo sa mga pasya ng tao at sa balangkas ng lipunan. Sa Second Plenary Council of the Philippines (PCP II), tinawag itong "structures of grace." Ang Diyos ay muling nagkakatawang tao sa maayos na kalakaran at matuwid na sistema.
Ang adbiyento (presensya) ng Diyos ay nagiging konkreto sa pamamagitan ng mga naipong pasya ng tao para sa kabutihan. Kaya nga, tinatawag natin ang Simbahan na "Sakramento," isang tanda ng pamamalagi ng Diyos sa ating gitna. Sa teolohiya, ang pagiging sakramento ng ating sambayanang Kristiyano ay kapwa palatandaan (indicative) at panawagan (imperative). Bilang Simbahan, tungkulin nating pangyarihin ang Adbiyento ng Diyos sa lahat ng lugar at panahon. “There is a duty for the Christian Catholic to transform politics by the Gospel. The Gospel must influence every phase of life, every stratum of society, and ‘restore all things under Christ’” [Eph. 1:10] (CBCP, 1998).
Gayundin ang posibleng mangyari sa presensya ng kasamaan. May kapangyarihan itong magkatawang tao sa mga istruktura at kalakaran ng lipunan at Simbahan. Ang ibig sabihin ng salitang Satanas, na galing sa Hebreo, S?t?n, at Griego. Diábolos, ay 'adversary' o kalaban, sapagkat hinahadlangan nito ang pagdating ng Paghahari ng Diyos. Anumang pumipigil para mapadali ang adbiyento ng Diyos ay nagiging buháy na sangkap ng pwersa ng karimlan sa lupa.
Ayon sa Gaudium et Spes 19, hinggil sa ugat ng ateismo: insofar as the lives of 'religious' people run counter to the values of the gospel, they are said to conceal, rather than reveal, the true face of God and religion. Ang 'presensya' ng katiwalian sa ating lipunan at simbahan ay ang presensya ng nagtatagong Diyos.
Adbyento na. Itinuturo ni Juan Bautista ang wastong daan upang mamayani ang Paghahari ng Diyos. "Pagsisihan ninyo't talikdan ang inyong mga kasalanan..." Sa salitang Griego ang katumbas ng salitang 'pagsisisi' ay 'metanoia,' na ang kahulugan ay 'pagbabago ng isip at pananaw.' Simula sa bagong pananaw, nagbabago rin ang ating gawi at mga pasya. Nagiging simple at hindi maluho ang paraan ng ating pamumuhay. Naiisaayos natin ang ating prioridad. Higit sa lahat, tayo ay nagiging aktibong sangkap ng pagpapanibago upang ang Adbiyento o Pagdating ng Diyos ay maging kongkretong karanasan sa ating panahon.
*Unang Linggo ng Adbiyento |
|
| |
|
|
|
| |
| |
|
| |
|
| |
|
|