Sa Isang Salita: 'Bendisyon' ni Msgr. Noel
04 December 2023
 
"Sa isang salita mo lamang ay gagaling na ako." 'Word is power.' Makapangyarihan ang salita. Ang salita ay kapangyarihan. May kakayahan itong bumuo o mangwasak, makapanira o magtaguyod ng kapwa.

Ang bendisyon ay 'mabuting salita.' Hango ito sa pinagsamang salitang Latin na, 'bene' at 'dictio' na ang kahulugan ay 'good word.' Sa kabaligtaran, ang sumpa ay 'masamang salita,' na nagmula naman sa 'male' + 'dictio' na ang kahulugan ay 'bad word.'

Tayo ay nababasbasan ng mabuting salita. Ang nagpapa-bless ng bahay o anumang bagay ay dapat makinig sa dasal ng nagbabasbas para magkabisa ito sa kanyang buhay. Kapag sumisimba, tayo ay pinagpapala sa Salitang ating naririnig. May kapangyarihan itong magpabago ng buhay.

Buo ang pananalig ng senturyon sa ebanghelyo: gagaling ang kanyang alipin sa isang salita lang ni Hesus. Sa lengguahe ng mga sundalo, ang utos ng mga opisyal ('word of command') ay mabisa at walang pasubaling nagaganap.

Ganito rin tayo kay Kristo. Sa kanyang Salita, mabubuo ang ating pagkataong sinira ng kasalanan. Sa pagtanggap natin sa kanya (lalo na sa komunyon), magaganap ang paggaling at paghilom.

*Lunes sa Unang Linggo ng Adbiyento

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN