Sa Isang Salita: 'Matibay' ni Msgr. Noel
07 December 2023
 
Ano ba ang mabisang sangkap ng matibay na pagsasama ng mag-asawa? Sagot: hindi ang matamis na 'Oo' sa araw ng kasal, kundi ang tapat na pagsasabuhay ng pangako nila sa Diyos at isa't isa.

Noong una, may isang bangko na ang slogan ay, "Subok na matibay, subok na matatag." Ngayon, isang alaala na lamang ang nasabing institusyon.

Sa buhay, madaling gumawa ng mga slogan at kumatha ng nakakaakit na salita. Subalit mabibigyang patunay lang ito kung mapangangatawanan ng may akda.

Sa ganito rin maihahambing ang ating pagka-Kristiyano. Hindi tarheta, slogan o pangalan lamang ang pagiging alagad ni Hesus. Ito ay tapat na pagsasabuhay ng pananampalatayang tinanggap.

Kahit anong dami ng seminar at lecture ang ating dinaluhan, wala itong kabuluhan kung walang "practicum" at pag-aangkop sa buhay. Hindi iilang mananampalataya ang sumailalim sa maraming pag-aaral at pormasyon. Subalit sa harap ng tukso ng materyal na bagay, hindi na sila makapagpasya nang ayon sa prinsipyo ng ating Simbahan.

Sinabi ni Hesus sa talinghaga, katulad nila ang taong "nagtayo ng bahay sa buhanginan." Pagdating ng unos at malakas na hangin, nagiba ang bahay na iyon sapagkat mahina ang pundasyon.

Pagsumakitan nating maging tunay na Kristiyano, hindi lang sa baptismal certificate, kundi sa paninindigan sa ngalang Kristiyano na ating tinanggap.

*Huwebes sa Unang Linggo ng Adbiyento

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN