Sa Isang Salita: 'Bagong Pananaw' ni Msgr. Noel
10 December 2023
 
Isa sa mga haligi ng Adbiyento si Juan Bautista. Sa buhay at pangangaral, ipinahayag niya ang mabungang paraan ng paghahanda sa pagdating ng Panginoon: pagsisisi. Sa Griego ang katumbas nitong salita ay 'metanoia,' na ang kahulugan ay 'pagbabago ng isip at pananaw.'

Ang taong namumuhay sa kasalanan ay makitid ang isip: nakatuon lang sa sarili at panandaliang aliw na dulot ng mundo.

Sa pagbabalik-loob, lumalawak ang ating pananaw. Nababago ang ating pagtingin sa bagay-bagay sapagkat ang ginagamit natin ay ang 'lente' ng Diyos at pananaw ng pananampalataya.

Sabi ni Stephen Covey, "We see the world not as it is, but as we are - or as we are conditioned to see it." Malaki ang impluensya ng materyalismo sa ating pagtingin sa mundo. Kailangan natin ang radikal na pagbabago ng isip at pananaw upang magawa nating talikdan ang lumang gawi at paraan ng pamumuhay.

Si Juan Bautista ay larawan ng 'metanoia.' Namumuhay siya sa disyerto - tanda ng kanyang pag-angat sa kaalwanan ng daigdig. Matalas ang kanyang panlasa sa mga bagay na maka-Diyos sapagkat malaya ang kanyang puso sa mga bagay na kinahuhumalingan ng mundo.

Sa paghahanda natin sa Pasko, maihanda sana natin ang daraanan ng Panginoon tungo sa ating mga puso.

*Ikalawang Linggo ng Adbiyento

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN