Sa Isang Salita: 'Ningas' ni Msgr. Noel
16 December 2023
 
"What is to give light must endure burning." (Viktor E. Frankl) Para makapagbigay liwanag, ang apoy ay dapat magningas. Habang ito'y nagliliyab, may elementong dapat masunog at matupok para patuloy na magbigay ng liwanag.

Sa ebanghelyo, ipinahayag na si Juan Bautista ay isinugo para magbigay-saksi sa katotohahan. Tulad niya ay "maningas na ilaw na nagliliwanag noon.." Dinanas niya bilang propeta ang usigin at paslangin upang tupdin ang misyong mangaral ng katotohanan.

Tayong mga Kristiyano ay mga anak ng liwanag. Tayo'y mga katiwala ng pananampalataya. Tungkulin nating panatilihin ang ningas nito sa ating pagsaksi kay Kristo.

Paano? Itaguyod natin ang kultura ng liwanag:

1. Magpatotoo. Sa gitna ng dilim ng lipunang pinamamayanihan ng kasinungalingan (fake news) at katiwalian, magbigay saksi tayo sa katotohanan at kabutihan. "Our lives begin to end the day we become silent about things that matter." (Martin Luther King) Manalig tayo na kaylanman ay di kayang gapiin ng dilim ang liwanag.

2. Maging instrumento ng pagkakaisa at bahaginan. Noong una pa man, ang liwanag ay nakaaakit sa mga tao para magtipon. Kung saan may liwanag, nandoon ang mga tao. Dito natatagpuan nila ang kanilang hinahanap: init at liwanag. Ang simbahan ay komunidad ng liwanag. Palakasin natin ang loob ng bawat isa sa pagpuksa sa kultura ng karimlan.

3. Makipag-ugnay lagi sa Diyos. Huwag nating kakalimutang "mag-recharge" sa pagdarasal at mga sakramento. Ang Diyos ang bukal ng liwanag. Si Hesus ang mas maningas ng apoy nagbibigay liwanag sa ating buhay.

Let us be stewards of faith. Let us testify to the light.

*Disyembre 16, Unang araw ng Misa de Gallo

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN