Sa Isang Salita: 'Pag-asa' ni Msgr. Noel
19 December 2023
 
Walang imposible sa Diyos. Sa mga sandaling akala natin ay wala ng pag-asa, tinutugon Niya ang ating kahilingan nang higit pa sa ating inaasahan.

Sabi ni Sta. Catalina de Siena, "ang pag-asa ay ang radikal na pagtanggi na bigyan ng limitasyon ang maaaring magawa ng Diyos sa ating buhay.”

Ganito ang pag-asang taglay ni Elizabeth at Zacarias. Bukod sa pagiging baog, sila ay matanda na. May dahilan sila para sumuko at hindi na umasa pa. Pero patuloy silang kumapit sa Diyos. Nanalig sa Diyos na lumilingap sa mga aba sa lipunan. Si Juan ang sagot sa kanilang dasal - pangalang ang kahulugan ay "Ang Diyos ay mapagbigay."

Sa buhay, may mga sandali na tila walang bunga ang ating mga pagpupunyagi. May mga aspeto ng buhay na wala tayong magawa para mapaunlad at mapagyabong. Dapat nating alalahanin na sa kamay ng Diyos, walang di mapangyayari. Wika ng isang awit: "God will make a way, when there seems to be no way."

Sa pananaw ng isang mabuting katiwala, ang Diyos na may-ari ng lahat, ang kumikilos upang mapasagana at mapagbunga ang mga 'baog' na bahagi ng ating pag-iral, sa paraang higit pa sa ating inaasahan.

*Disyembre 19, Simbang Gabi

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN