Sa Isang Salita: 'Tanging Ina' ni Msgr. Noel
20 December 2023
 
Isang anim na taong gulang na batang lalaki ang inulila ng mapaminsalang bagyo. Pitong araw na siyang pauli-uli sa mga lansangan ng bayan; nabubuhay sa pamumulot ng basura at sa tulong ng ibang tao. Nakarating ito sa kaalaman ng isang mag-asawang mayaman. Inampon nila ang bata.

Nang dumating araw na isama na ang bata sa bahay ng mag-asawa, nagulat siya sapagkat sinalubong siya ng isang malaking handaan. Tinanong niya ang mga umapon sa kanya kung anong okasyon. Ang sagot nila: "dahil ngayon ay birthday mo!" Sabi ng bata: "pero sa ibang buwan po ang aking kaarawan!" At sumagot ang ina: "sapagkat sa araw na ito ay pinili ka naming maging bahagi ng aming buhay at tumuloy sa aming tahanan. Para sa amin, ito ay iyong kaarawan."

Ang pagiging ina ay hindi lang sa pisikal na kahulugan nito. Ito ay nagaganap sa sandaling akuin at pagpasyahang maging ina para sa bata. Higit na malalim ang ugnayang ispiritwal sapagkat ito ay nakaugat sa pasya ng puso.

Noong una, ang Misa sa araw na ito (Disyembre 20) ay tinatawag na Missa Aurea (Golden Mass) sapagkat sa ebanghelyo, ipinahayag ni Maria ang kanyang pasya na tanggapin ang misyon na maging Ina ng Mananakop. Sa wika ni San Agustin: sa kanyang "Oo," naunang naging ina si Maria sa ispirituwal na kahulugan nito. Mary's spiritual motherhood precedes that of the physical because she first received the Word in her heart.

Sa sandaling sabihin natin ang Oo kay Hesus, pinapayagan mo siyang pumasok sa ating buhay. Nagiging ina tayo ni Hesus at nagkakaroon tayo ng kapangyarihang iluwal siyang muli sa ating lipunan.

Bilang Kristiyano, tinatawag tayo hindi lang upang maging tagatanggap o tagapakinig ng Salita (disipulo). Tulad ni Maria, tinatawag tayong maging Ina - upang muling isilang ang Salita, si Hesus, sa ating lipunan.

"Even though Jesus was born in Bethlehem, his real desire is to be born in the hearts of Christians, to be re-produced by believers." (Ernest M.) Ito ang pangunahing tawag at gawain ng mga binyagan, ang maging ina na magluluwal kay Kristo sa ating panahon sa pamamagitan ng pagsaksi sa ating pananampalataya. Ito ang esensya ng pasko ng pagsilang.

Katesismo: Si Maria ay tunay na INA NG DIYOS. Ang Mahal na Birhen, bilang siya ang nagsilang sa ating tagapagligtas ay tinatawag na “Theo-tokos” sa salitang Griego ay nangangahulugang "tagapagdala ng Diyos." Hindi lang ang pagiging tao ni Hesus ang dinala ni Maria sa sinapupunan kundi ang buong persona ni Hesus, Diyos na totoo at tao namang totoo. Dahil si Hesus ay Diyos, at hindi lamang tao, kinikilala natin si Maria bilang Ina ng Diyos. Inihayag ito ng Konseho ng Efeso bilang dogma ng Simbahan noong 431 AD.

Disyembre 20, Simbang Gabi

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN