Sa Isang Salita: 'Pagkakatawang-tao' ni Msgr. Noel
24 December 2023
 
Sabi ng isang manunulat, dalawa raw ang 'birthday' ng mga ampon. Una ay ang araw na sila ay isilang ng kanilang nanay; ikalawa ay ang araw na sila ay tanggapin ng kanilang pangalawang magulang sa kanilang buhay. Ang huli ay hudyat ng kanilang bagong pagsilang.

Hindi lang sa dugo nasusukat ang kaugnayan natin sa iba. Higit na malalim kaysa ugnayang pisikal ang ugnayang nakaugat sa espiritu. Sabi ni Hesus, “Ang mga nakikinig ng salita ng Diyos at tumutupad nito ang siya kong ina at mga kapatid.”

Sa ebanghelyo, ipinahayag ang Fiat ni Maria, ang pagtanggap niya sa magandang balita ng anghel. Ani San Augustin, bago pa tanggapin ni Maria ang Salita sa kanyang sinapupunan, una na niya itong tinanggap sa kanyang puso. Si Maria ay unang naging disipulo bago siya naging Ina.

Si Hesus, ang Salita, ay nagkatawang tao sa sinapupunan ng Mahal na Birhen. Tayo ay tinatawag ding maging Ina sa pamamagitan ng pagtanggap kay Hesus sa ating puso.

Muli nating iniluluwal si Hesus sa ating lipunan sa ating pakikinig at pagsasabuhay ng Salita ng Diyos. Sa ganitong paraan, muling nagkakatawang-tao (=emBODY) ang Salita. Ang taong nagsasabuhay ng Salita ay isang buhay na leksyon. "Viva lectio est vita bonorum." The life of the good man is a living lesson.

Ayon kay John Kavanaugh, isang spiritual writer: “As long as we breathe, there is more of our lives to open, to unlock. There is always more of us that we might let God enter. There is no end to the ways that the Word of God can fully take on our flesh.”


*Disyembre 24, Ikaapat na Linggo ng Adbiyento B

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN