Sa Isang Salita: 'Belen' ni Msgr. Noel
25 December 2023
 
“Hindi si Santa Claus ang darating. Si Hesus ang tunay na dumating - at namalagi - sa ating piling.”

Sa kanyang liham apostolika, "Admirabile signum," ipinahayag ng Santo Papa na “ang Belen ay tulad ng isang buhay na ebanghelyo (living Gospel) sa ating mga bahay (domestic gospel). Aniya, “A nativity points to the essential: that God became man." Ang good news ng Pasko ay ang Diyos-na-sumasaatin. Siya ay bahagi ng ating angkan at tahanan.

Alam ba ninyo na ang kahulugan ng sabsaban (pakainan ng mga hayop) ay kaugnay ng literal na kahulugan ng Bethlehem (House of Bread)? Pareho silang may kinalaman sa pagkain. Sa pagsilang pa lamang ni Hesus, ipinapahayag na si Hesus ang Tinapay ng Buhay. Siya ang tugon sa malalim na inaasam ng ating puso.

Pansinin natin sa Belen na may dalawang uri ng tao ang unang dumalaw sa sanggol: ang mga Mago at ang mga pastol.

1. Ang mga Mago ay naghahanap sa Diyos. Ang kanilang mahabang biyahe tungong Bethlehem ay sagisag ng paglalakbay natin sa buhay. Tayo ay naghahanap sa Diyos, sa kahulugan at layunin ng buhay. Noong una na wala pang permanenteng tirahan ang mga tao (nomads), iisa ang pinupuntahan ng kanilang mga paa - kung saan may saganang supply ng pagkain.

Mahirap ang walang makain, pero mas mahirap ang mawalan na layunin ang buhay. Mahirap ang mawalan ng Diyos. Ayon sa Kasulatan, “hindi lamang sa tinapay ang tao nabubuhay, kundi sa Salitang nagmumula sa bibig ng Maykapal.” Hunger is a symbol of our spirit's deepest longing. Taglay natin sa ating puso ang pananabik sa mga bagay na espiritwal.

Sa Belen - at sa Eukaristiya - inihahandog ni Hesus ang kanyang sarili bilang pagkain. Siya ang sagot sa ating dasal. Christ is the “reason for the Season.” Jesus in the eucharist offers us the reason to live.

2. Ang mga pastol ay naghahanap ng pagmamahal (social acceptance). Sa lipunang kanilang kinabibilangan, ang mga pastol ay itinuturing na mga “tagalabas,” mga social outcast, nakatira sa laylayan ng lipunan. Sa Belen, nakatagpo sila ng kaibigan at kasamahan. The Emmanuel, God-with-us, Jesus is a friend, a true companion. Alam ba ninyo na ang salitang ‘companion’ ay may kaugnayan pa rin sa pagkain? Ito ay galing sa salitang Latin na “cum” (kasama) at “panis”(tinapay). Ang mga taong gusto nating kasalo sa hapag ay mga tunay na kaibigan. PInaboran ng Diyos ang mga pastol ang una sa mga taong makadalaw sa Belen, sa Bahay ng Tinapay. May lugar ang mga maralita sa piging ng Diyos!

3. Ang Belen ay sagisag din ng bawat angkan at pamayanan. Makikita natin ang tunay na sitwasyon ng isang pamilya sa hapag-kainan. Ang budhi ng isang lipunan ay masasalamin din sa kung paano nagbabahaginan ang mga kaanib nito. Sa kasaysayan, ang mga giyera at himagsikan ay nagsisimula kapag marami ang nagugutom.

Sa Belen - at sa Banal na Misa - ipinakikita ang diwa ng pagbabahaginan. A food becomes a meal only when it is shared. Ayon sa internet site na “Food Matters”: “When 'I' is replaced by 'we,' even illness becomes wellness.” Pagbabahaginan ang lunas sa suliranin ng lipunan - sa kawalan ng pagdamay at paglingap.

Dagdag pa ng Santo Papa: “We should all remember... that throwing food away is like stealing from the tables of the poor, the hungry!" Ang salitang ‘tinapay’ at pagkain ay sumasaklaw din sa lahat ng lahat ng pinanggagalingan ng ating ikabubuhay. Ang materyal na daigdig at ang likas na yaman ay biyaya ng buhay. Kaya nga, ang pagsira sa kapaligiran ay isang uri ng pagnanakaw sa kinabukasan ng mga kabataan na dapat ding makabahagi sa biyaya ng kalikasan.

Totoo ang sabi ni Papa Francisco na ang Belen ay isang “Admirabile Signum.” Isang Kahanga-hangang tanda ang larawan ng Pagsilang ng Mananakop. Nawa’y natagpuan natin sa Belen si Hesus, ang Tinapay ng Buhay, sumasagot sa inaasam ng puso, humahamon sa pagpapanibago ng ating lipunan.

*Disyembre 25, Pasko ng Pagsilang

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN