Sa Isang Salita: 'Takipsilim' ni Msgr. Noel
30 December 2023
 
Sa Diyos ay walang limitasyon ng panahon. Wala Siyang pinipiling oras sa maaaring magawa ng tao. Kumikilos ang kanyang biyaya sa lahat ng yugto ng ating buhay. Walang bata o matanda sa larangan ng paglilingkod. Bawat isa ay may maaaring maiambag sa kaganapan ng plano ng Diyos. Lahat ay tayo ay katiwala na dapat magsulit sa May-ari ng panahon at buhay na hiram.

Ganito ang bokasyon ng propetang si Ana. Sa edad na walumpu’t apat, sa takipsilim ng buhay, patuloy siyang naghintay at umasa. Araw-araw, siya ay nagdarasal sa templo, at naghihintay sa kaganapan ng pangako ng Diyos. Hindi naging hadlang ang kanyang edad upang maging aktibong makiisa sa mga kaganapan ng pangarap ng Diyos para sa kanyang bayan. Dahil dito, nagkapalad siyang masaksihan ng kanyang mga mata ay katuparan ng hinangad ng kanyang puso. Nakita niya ang Sanggol na si Hesus sa templo.

Tulad ni Ana, nawa’y kamtan din natin ang biyayang masilayan ang Mesias sa wakas ng ating buhay. Sabi nga sa isang awit para sa Mahal na Birhen: “Birheng Mahal, ang samo ko'y ito: 'Sa hantungan nitong paglalakbay, si Hesus ay makamtan.'”

*Disyembre 30, Oktaba ng Pasko ng Pagsilang

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN