 |
| |
| |
| Sa Isang Salita: 'Mag-anak' ni Msgr. Noel |
| 31 December 2023 |
| |
|
Ang Anak ng Diyos ay isinilang at naging bahagi ng isang angkan. Sumailalim siya sa lahat ng maaaring danasin ng tao. Namuhay nang mahirap. Dumanas ng krisis at pag-uusig, tulad ng pagtakas tungo sa Ehipto dahil sa banta ni Herodes.
Ang bawat Kristiyanong angkan ay simbahan sa tahanan (domestic church). Dito unang dapat maranasan ang bahaginan ng buhay at pag-ibig na matatagpuan sa bawat Kristiyanong komunidad. Lumalago tayo sa buhay sa loob ng komunidad ng pag-ibig: mula sa pagkamakasarili tungo sa pagbabahagi, muna sa pag-iisa tungo sa kaganapan ng buhay sa sambayanan. Gawin nating huwaran sina Hesus, Maria at Jose bilang:
1. Pamilyang nagkakaisa. Hindi lamang ugnayan sa dugo, kundi bigkis ng pananampalataya ang nagbubuklod sa bawat Kristiyanong angkan. Wika ni Hesus kay Maria: "Ang nakikinig at nagsasabuhay ng Salita ay siyang aking Ina at mga kapatid." Mas matibay ang ugnayan ng pamilyang nakaugat sa dasal at pananalig.
2. Pamilyang nagkakaiba. Sa tunay na komunidad, ang pagkakaiba ay iginagalang at ipinagtatanggol. Hindi sinisira, kundi itinataguyod ng pag-ibig ang pagkakaiba at kasarinlan ng bawat kaanib. Sa simbahan, tayo ay magkakaiba sapagkat iba't iba ang ang personalidad at magkakaiba ng kaloob (1 Cor 12: 1ff).
3. Pamilyang nagbabahaginan. Sa bawat pamilya, ang pagkakaiba ang batayan ng pagkakaisa. Mayroong bahaginan ng buhay at pag-ibig. Higit na tumitingkad ang kaisahan sa pagbabahaginan ng mga kaloob. “It is because we are different that we have so much to share."
4. Pamilyang nagmimisyon. Likas sa pag-ibig ang kumilos patungo sa labas. Pagbabahagi ang ekspresyon ng pag-ibig na wagas. Ganito rin sa bawat pamilyang Kristiyano. Likas ang pagiging misyonero. Love begins at home but it must not end there. Love, of its nature, is given out and shared.
"As the family goes, so goes the nation and so goes the whole world in which we live." - John Paul II
*Kapistahan ng Banal na Mag-anak, Linggo sa Oktaba ng Pasko ng Pagsilang |
|
| |
|
|
|
| |
| |
|
| |
|
| |
|
|