 |
| |
| |
| Sa Isang Salita: 'Oras ng Grasya' ni Msgr. Noel |
| 01 January 2024 |
| |
|
Napakabilis ng panahon. Isang taon na naman ang lumipas. Pero alam mo ba na may dalawang kahulugan ang oras? Ang una ay 'clock time' (chronos). Ang ikalawa ay 'right time' (kairos). Sa oras ng orasan, may kanina at mamaya, bawat sandali lumilipas. Sa oras ng Diyos, lahat ng oras ay itinakda. Lahat ay may tamang panahon.
Ang oras ng orasan ay paulit-ulit. Paikot-ikot lang. Walang bago. Walang pag-asa sapagkat nakapiit tayo sa limitasyon ng panahon. Subalit ang oras ng Diyos ay sumusukdol sa kaganapan ng panahon.
Ang pagdating ni Hesus ay hudyat ng kaganapan ng panahon. "When the fullness of time had come, God sent his Son born of a woman." Kay Hesus, niyakap ng Diyos na Walang Hanggan ang panahon. Ang oras ay naging dimensyon ng Diyos. Kaya nga, nagsimula kay Hesus ang mga huling araw, ang panahon ng Simbahan.
Sa liwanag ng misteryo ng pagkakatawang-tao, lahat ay nabago: "all human ordinariness transformed, all of the commonplace transfigured and blessed."
Hindi dapat umasa ang isang Kristiyano sa swerte. Lahat ng ating natatanggap ay sa Diyos nagmumula. Everthing is grace. Ang swerte ay walang kaakibat na ugnayang personal sa Lumikha. Sa grasya, kinikilala nating konektado ang ating buhay sa Diyos na nagpapalà.
Dahil sa kaugnayan ng Diyos sa panahon, tayo ay may tungkuling pabanalin ang panahon. Bawat oras at araw ng Bagong Taon ay panahon ng grasya.
Tularan natin ang halimbawa ni Maria, ang Ina ng Diyos. Sa kanyang Fiat o pagsang-ayon sa plano ng Diyos, naging tao ang Salita. Ang oras ng orasan (chronos) ay naging takdang oras ng grasya.
*Kapistahan ni Mahal na Birheng Maria, Ina ng Diyos, Unang Araw ng Taon |
|
| |
|
|
|
| |
| |
|
| |
|
| |
|
|