Sa Isang Salita: 'Binyag' ni Msgr. Noel
06 January 2024
 
Si Hesus ay bininyagan sa ilog Jordan. Sabi ng mga dalubhasa sa kasulatan, ang kanyang binyag ay may mas malalim na kahulugan kaysa simpleng paglubog sa tubig. Isinasagisag nito ang mismong 'paglusong' ni Hesus sa taglay Niyang pagka-Diyos. Ipinapahayag nito ang natatanging presensya ng Diyos sa katauhan ni Hesus. Hindi lang si Hesus bininyagan sa Jordan; siya mismo ang Binyagan. "Jesus is not only baptized; He is THE baptized."

Si Hesus mismo "ang Binyagan"- sa pinakaganap, pinakaangkop at orihinal na kahulugan ng binyag.

Ang hiwaga ng binyag ni Hesus ay naghahayag sa atin ng pinaka-simula ng buhay ni Hesus bilang Diyos-na-nagkatawang-tao.

Ang di-mapapantayang presensya ng Diyos ang nagsasaad kung sino mismo si Hesus. Sa simula ng pag-iral ni Hesus ay namamayani ang presensya ng Diyos.

"It is Jesus’ very being (his human, created being) that is baptized. This baptized humanness of Jesus is what Christian baptism is all about."

Higit pa sa pagkapawi ng kasalanan, sa binyag ating ipinagdiriwang ang pagkakaloob ng Diyos ng kanyang sarili sa atin. Ang lahat ng nakapaloob sa ritwal nito ay tumutukoy sa pinaka-puso ng sakramento ng binyag - ang presensya o pananahan ng Diyos sa bawat binyagan.

Ang pakikibahagi natin sa buhay ng Diyos ang 'grasya' ng binyag. Hindi lamang natin tinanggap ang grasya ng binyag; dapat itong lumago sa ating pagtatalaga ng buhay sa paglilingkod.

*Enero 6 bago mag-Epipaniya

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN