Sa Isang Salita: 'Tukso' ni Msgr. Noel
18 February 2024
 
Mahirap ang walang makain, pero mas mahirap ang buhay na salat sa Diyos. Ang gutom na ating nararanasan ay simbolo ng malalim na paghahangad ng ating espiritu.

Ang unang tukso ng Diablo kay Hesus, sa gitna ng kanyang pag-aayuno sa desierto, ay "tukso ng tinapay." Ano nga naman ang mapapala natin sa pagtitiis ng gutom? Hindi ba't mas masaya ang magpakabusog at magpasasa sa layaw ng mundo?

Ang tanong: "tayo ba ay nabubuhay para kumain o kumakain ba tayo para mabuhay?" Nabubuhay ba tayo para sa iba o para lamang sa sarili?

Sabi ni Papa Francisco, "to be human is to be more human." Higit na mataas ang layunin ang ating buhay kaysa maglingkod sa sarili. Ang labis na pagmamahal sa sarili ay nauuwi sa idolatriya ng kasakiman. Sinasamba natin ang sarili at hindi ang tunay na Diyos.

Kaya ang sagot ni Hesus sa Diablo: "hindi lamang sa tinapay ang tao nabubuhay, kundi sa Salitang nagmumula sa bibig ng Maykapal." Diyos lamang ang tutugon sa malalim na gutom ng ating puso.

Pero hindi lang yan. Ang tinapay ay sagisag rin ng buhay. "Bread" ang tawag natin sa sahod o kita, at "breadwinner" ang turing natin sa naghahanap-buhay para sa pamilya.

Isang tukso rin ng demonyo na gamitin natin ang ating salapi at yaman nang walang panlipunang pananagutan. Sinisira ng kasakiman ang ating ugnayan sa Diyos, sa kapwa at sa kalikasan.

Ang tinapay ay sagisag ng pagpapalang galing sa Diyos. Sabi ni Papa Francisco: labanan natin ang “culture of waste: throwing food away is like stealing from the tables of the poor, the hungry!"

Ang mag-aksaya ng pera sa walang kapararakang paggastos ay insulto sa mga dukha. Ang pagsira sa kalikasan - at pagpayag sa gawaing ito - ay pagnanakaw sa kinabukasan ng susunod na henerasyon.

Ginigising ng panahon ng Kuwaresma ang ating budhi para makiisa sa katayuan ng mga kapus-palad. Ito ang tema ng Year of Social Action, Ecology and Stewardship sa ating Diocesis.

Tinatawag tayo ng Diyos upang akuin ang pananagutan sa kapwa at sa lipunan - ang maging Tinapay para sa iba; ang maging tulad ni Kristo sa Tinapay ng Eukaristiya.

*Unang Linggo ng Kuwaresma

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN