 |
| |
| |
| Sa Isang Salita: 'Dakila' ni Msgr. Noel |
| 28 February 2024 |
| |
|
"To be unknown is to be unloved." Ito ang isa sa maling paniniwala ng maraming tao sa ngayon. Para sa kanila, ang pagiging sikat ang sukatan ng pagtanggap at pagmamahal ng lipunan.
Sa ganitong kaisipan, tila ang kadakilaan ng tao at ang halaga ng kanyang ginagawa ay nakabatay sa popularidad at pagtanggap ng publiko.
Subalit taliwas ito sa pamantayan ng ebanghelyo. Ang pagkilos ng Diyos ay nakakubli sa kababaang loob at karalitaan.
Sino ang pinakadakila? Sabi ni Hesus: "Ang sinumang nais maging dakila ay dapat maging huli sa lahat at lingkod ng lahat."
Ang taong nasa posisyon ng kapangyarihan ay nasa akmang lugar para makita ang katatayuan ng mga nasa gilid ng lipunan. Higit na mabigat ang kanyang pananagutan upang dumamay sa mga nasa abang katatayuan.
Ang tunay na lingkod ay may espesyal na pagtatangi sa mga dukha at mahihina. Nakikita niya "mula sa itaas" ang malaking agwat na naghihiwalay sa mga 'mayroon' at 'wala.'
Kapag tayo ay nasa lugar ng pribilehiyo, hindi ito dapat maging sanhi upang mabulag tayo sa mga nagaganap sa ating paligid. Sa halip, nawa'y magpatalas ito ng ating pakiramdam upang bigyang-prioridad ang pangangailangan ng mga kapuspalad.
*Miyerkules sa Ikalawang Linggo ng Kuwaresma |
|
| |
|
|
|
| |
| |
|
| |
|
| |
|
|