Sa Isang Salita: 'Unselfie' ni Msgr. Noel
29 February 2024
 
Dalawang uri ng kamatayan ang inilalarawan sa istorya ng Mayaman at ng pulubing si Lazaro. Samantalang namamatay si Lazaro sa gutom, "namamatay" din ang Mayaman sa kasakiman. Mas malagim na trahedya ang sinapit ng huli. Mas masaklap ang kamatayan ng espiritu. Sabi nga, "Death is not the greatest loss in life. The greatest loss is what dies within us while we live."

Sa pagkamakasarili, nalilimutan natin ang mas mahalagang isyu ng buhay at kamatayan na kinakaharap ng mga Lazaro sa ating gitna. Tulad ito ng SELFIE culture sa social media. Dahil laging nakatutok ang pansin sa sarili, nawawala na ng lugar ang kapwa sa ating buhay.

Minsan, ganito rin ang tingin natin sa ating relihiyon. Pinangalan ni Papa Francisco ang suliraning ito ng simbahan: “spiritual worldliness.” May mga tao na animo'y banal pero ang kanilang interes ay makasarili. They are those "who profess to defend the Church, its doctrines and liturgies, but are in fact concerned of their own security."

Sa labis nating pagpapahalaga sa seremonyas at panlabas na bagay ng relihiyon, nalilimutan naman natin ang paglingap at pakikisangkot.

Ang mga isyung kinakaharap ng ating lipunan ay lumalampas sa hangganan ng mga Simbahan. Hindi ito malulutas kung mananatili tayo sa makitid na pananaw at oryentasyon.

Ang mundo ang pook kung saan nagtutunggali ang pwersa ng dilim at liwanag. Naroon ang Diyos sa pakikibaka ng tao para katwiran at katarungan.

Ang Diyos ay hindi 'nakatali' sa isang lugar o pook. Siya ay nasa sa gitna ng sambayanang nakikihamok para sa kaganapan ng buhay. Ang presensya ng Diyos sa Simbahang gusali ay kasing totoo ng kanyang presensya sa gitna ng mga tao.

*Huwebes sa Ikalawang Linggo ng Kuwaresma

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN