Sa Isang Salita: 'Pangarap' ni Msgr. Noel
19 March 2024
 
Huwag kayong mawawalan ng kakayahang mangarap, wika ni Papa Francisco sa kanyang homiliya nang dumalaw siya sa ating bansa noong 2015. Sa pagtitipon ng mga pamilya sa MOA Arena, ibinahagi ng Santo Papa na mayroon siyang imahen ng “natutulog na San Jose” sa kanyang mesa. Sa kanyang pagkaidlip, aniya, binabantayan at kinakalinga ni Jose ang Simbahan.

Ipinahayag ng Anghel kay San Jose ang balita ng kaligtasan sa pamamagitan ng panaginip. Maraming bagay na dakila ang nagaganap sa katahimikan at ‘pagpapahinga.’ Nangyayari ang plano ng Diyos na lingid sa paningin ng mundo. Sa pag-iisa nagaganap ang sandali ng grasya.

Sa biblia, ang pahinga ay "hindi kalayaaan mula sa trabaho, kundi kalayaan para sa Diyos." Sa gitna ng kaabalahan sa daigdig, nagiging alipin ng bagay ang ating puso. Ang pahinga ay mapagpalaya. Lumilikha ito ng espasyo para sa Diyos.

Marami tayong pangarap para sa sarili at sa ating pamilya. Subalit mas malawak ang pangarap ng Diyos. Sa kanya, may kaganapan ang lahat. May mga plano ang tao na hindi nagkakaigi at natutupad. Batid ni Jose na sa "loob ng pangarap ng Diyos," ang ating mga pagpupunyagi ay magbubunga sa kanyang takdang oras.

Mahirap ang tao na walang pangarap. “Without vision, the people perish.” Ang pangarap ay ang larawan sa ating isip ng nais nating mangyari sa hinaharap. Walang tatanawing bukas ang taong walang pangarap.

Sinabi sa ebanghelyo, nang magising si Jose, “tinupad niya ang sinabi sa kanya ng anghel.” Kinikilala siya ng Simbahan sa titulong "Custos redemptoris" o Guardian of the Redeemer.

Tayo ay mga katiwala ng Diyos ng mga banal na gawain at misyon sa Simbahan. Maging bahagi nawa tayo ng kaganapan ng pangarap ng Ama.

Marso 19, 2024, Kapistahan ni San Jose, Kabiyak ng Puso ni Maria

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN