Sa Isang Salita: 'Saksi!' ni Msgr. Noel
14 April 2024
 
Dalawang uri ng istorya ng Pagkabuhay ang matatagpuan sa ebanghelyo: ang una ay ang 'empty tomb stories;' ang ikalawa'y ang 'post-resurrection apparitions.'

Ang ikalawang uri ng istorya ay matutunghayan natin sa ebanghelyo ngayong Ikatlong Linggo ng Pagkabuhay. May tatlong mahahalagang mensahe ito sa atin.

1. 'See' (Witness): Buháy si Hesus sa ating gitna. Hindi multo ang bumalik mula sa mga patay. Pinahawak at ipinahipo niya ang kanyang mga sugat. Kumain siya kasalo ng mga alagad. Buhay si Hesus sa kanilang gitna. Naranasan nila ang kanyang presensya. Kumilos sa kanilang buhay ang kanyang kapangyarihan. Wala silang takot. Puspos na ng pag-asa. Ganito rin dapat tayo: "we must experience Jesus in our life in an intimate way." Ang taong puspos ng pagdanas kay Hesus, pilit na lalabas para magbahagi at magbigay saksi.

2. 'Go' (Mission): Ipinahayag ni Hesus, "Kayo ang mga saksi ko sa bagay na ito." Resurrection means mission. Obligasyon ng mga nakasaksi na magbahagi at magpatotoo. Ang misyon ay ang 'pag-awas' ng ating malalim na karanasan kay Hesus upang ibahagi ito sa kapwa.

Bakit dapat magsimula "mula sa Jerusalem?" Sa Jerusalem nakatayo noon ang Templo. Sa kaisipan ng mga Judio, ang lugar na ito ang sentro ng mundo. Ang misyon ay isang palabas na pagkilos (outward movement) ng ebanghelyo mula sa gitna tungo sa lahat ng panig ng mundo. Sa ating panahon, tinatawag tayong dalhin ang mensahe ni Hesus mula sa gitna tungo sa mga gilid at laylayan ng lipunan.

3. 'Grow' (Discipleship). Lumalago tayo sa ating pananampalataya sa pamamagitan ng patuloy na pakikinig. "A disciple is one who listens." Ang mga unang Kristiyano ay nakinig sa aral ng mga apostol.

Nagsisimula ang mga pamahiin [superstition] at maling gawi dahil sa kakulangan sa pakikinig. "Ritualized but not evangelized" ang marami sa mga binyagan.

Hindi natatapos ang pagtuklas kay Hesus. Hindi tayo dapat tumigil sa pakikinig at pag-aaral. Sa gitna ng ingay at kaabalahan ng buhay, bigyang puwang lagi natin ang Salita ng Diyos sa ating puso.

*Ikatlong Linggo ng Pagkabuhay (B)

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN