Sa Isang Salita: 'Forever' ni Msgr. Noel
17 April 2024
 
Walang hanggang buhay ang pangako ni Hesus sa mga nananalig sa Kanya. Aniya sa ebanghelyo: "Hindi ko hahayaang mawala ang mga ibinigay sa akin ng Ama."

May isang nagtanong: hindi raw kaya nakakainip ang "walang hanggan?" Ang manatili na nga lamang sa bahay nang isang linggo nang walang alisan ay nakababagot na. Gaano pa kaya ang buhay na walang hanggan? At paano yung "eternal rest..." para sa mga yumao, hindi ba napakahabang pahinga niyon?

Pero ito. Ang sabi ng isang matanda, kapag siya raw ay nagtatahi at naggagantsilyo, di siya naiinip. Hindi niya namamalayan ang paglipas ng oras sapagkat mahal niya ang kanyang ginagawa. Ganito rin sa mga magkasintahan, kahit maghapon na silang magkasama, di pa rin nagsasawa sa mukha ng isa't isa. Di namamalayan ang paglipas ng oras.

Sa pag-ibig, walang oras, walang hangganan; sa nagmamahalan, walang kanina o mamaya, kahapon o bukas, lahat ay ngayon... "Love is the only glimpse we have of eternity." Sa langit, ang pag-ibig ng Diyos ay walang hanggan. Sa 'loob' lang ng pag-ibig, may buhay na walang umay. Sa 'labas' nito, may pag-iral pero walang saysay.

Hindi rin naman talaga kumpletong pahinga ang "eternal rest." Bakit? dahil ang pag-ibig ay isang 'trabaho' ng puso. Sa langit, walang pahinga ang pagmamahal ng Diyos. Subalit ito'y pagmamahal na walang pagkapagal. For 'where there is love, there is no toil' (St. Augustine).

Ang pagmamahal natin sa kapwa dito sa lupa ay isang sulyap ng 'forever' sa kabila. Langit na maituturing ang lupa kung dito kung may pagdamay at paglingap sa kapwa. /mnv/

*Miyerkules sa Ikatlong Linggo ng Pagkabuhay

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN