Sa Isang Salita: 'Trabaho' ni Msgr. Noel
22 April 2024
 
Sabi ni Fr. Dionisio Miranda, may tatlong antas ng pagtingin sa ating gawain:

1) Hanapbuhay (job) - ang pangunahing layunin ng trabaho ay para makatanggap ng sahod at kumita ng salapi;
2) Gawain (profession) - sa pagsunod sa tawag ng tungkulin, nalilinang ng isang tao ang kanyang galíng at kakayahan. Umuunlad siya sa kanyang buhay-propesyonal;
3) Tawag (vocation) - higit pa sa sahod at sa pagsunod sa tawag ng tungkulin, ang trabaho ay isang ekspresyon ng mapagmahal na paglilingkod sa kapwa.

Isang magandang huwaran ang iniwan ni Hesus bilang Mabuting Pastol. Aniya, "iniaalay ko ang aking buhay para sa mga tupa."

Anumang uri ng trabaho ay isang bokasyon. Tinatawag tayo na maglingkod hindi lamang dahil sa sahod o sa pansariling pag-unlad, kundi upang itaguyod ang kabutihan ng madla. Ipinaaalaala ni Hesus sa ebanghelyo ang pagkakaiba ng tunay na pastol sa mga tulisan at magnanakaw. "Kaya lamang pupunta rito ang magnanakaw ay upang magnakaw, pumatay, at magwasak."

Ang pastol ay hindi upahan na tumatakas, kapag nakikitang dumarating ang asong-gubat. "Tumatakas siya palibhasa’y upahan lamang at walang malasakit sa mga tupa."

Lahat tayo ay tinatawag na maging pastol sa isa't isa, handang dumamay at lumingap. Nawa'y ang ating trabaho ay maging sandali ng paglago sa ating pagkatao sa pamamagitan ng paglilingkod, at hindi oportunidad na magsamantala sa kapwa.

*Lunes sa Ikaapat na Linggo ng Pagkabuhay

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN