Sa Isang Salita: 'Hatol' ni Msgr. Noel
24 April 2024
 
Ang ating kalayaan ang 'lugar' kung saan nagaganap ang kapahamakan o kaligtasan. Sa ating mga maling pasya, tayo ang nagdadala ng kahatulan sa ating sarili. Kaylanman ay hindi hinangad ng Diyos ang kaparusahan ninuman. Ang kalooban Niya ay ang kaligtasan ng lahat.

Sabi ni Hesus sa ebanghelyo: "May hahatol sa sinumang magtakwil sa akin at hindi tumanggap sa aking mga salita." Dahil ang Salita ng Diyos ay liwanag at kaligtasan, ang tahasang pagtanggi rito ay pagtahak sa landas ng kadiliman at kamatayan.

Lumilitaw ang tunay nating pagkatao sa ating pagpili. Nabubunyag ang tunay nating pagpapahalaga sa ating mga desisyon. Gawin nating ang bawat sandali ng ating buhay ay sandali ng biyaya lalo na sa mga sandali ng pighati at kagipitan.

Ipahayag natin ang ating pananampalataya hindi lang sa salita. Isama natin si Hesus sa ating mga ginagawang pasya araw-araw.

*Miyerkules sa Ikaapat na Linggo ng Pagkabuhay

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN