Sa Isang Salita: 'Abito' ni Msgr. Noel
05 May 2024
 
Sabi ng mga matatanda, madaling makilala ng mga tao ang mga pari noon: laging may suot na 'abito.' Ang salitang abito (habito) ay galing sa salitang Latin na habitus, isang bagay na laging taglay o laging ginagawa ng isang tao. What we constantly 'wear' or 'do' becomes a habit. It becomes our identity, our character. Ang lagi nating ginagawa ay nagiging 'tayo.'

Sa ebanghelyo, ipinahayag ni Hesus ang tunay na pagkakakilanlan ng isang alagad. Aniya, mag-ibigan kayo tulad ng pag-ibig ko sa inyo. Love is our identity. Our Christian I.D. is charity. "Kung magmamahalan kayo, makikilala ng lahat na kayo ay mga alagad ko."

Ang panlabas na kasuotan ay hindi nagbibigay ng garantiya ng kabanalan. 'Habitus non facit monachum.' (A habit does not make a monk.) Kung may isang bagay na dapat pagkakilanlan ang isang pari o isang Kristiyano, ito ay sa kanyang kakayahang magmahal, at hindi sa suot niyang uniform o 'abito.'

Sa lahat ng oras at lugar, dapat igiit natin ang ating mga pagpapahalaga bilang Kristiyano. "In omnibus amare et servire domino." Amen!

*Ikaanim na Linggo ng Pagkabuhay

Pangako

Maraming pangako ang isang taong paalis. Nais niyang magbigay katiyakan ng katapatan at pagmamahal. Lagi siyang tatawag o magtitext. Di niya kakalimutang magpadala ng pera o regalo. Di niya kakaligtaang "magparamdam."

Bago umakyat sa langit, may binitiwan siyang pangako: mananatili ako sa inyo.

Ang kanyang pag-alis ay siya namang pagdating ng kanyang Espiritu. Sa nagmamahalan, kahit lumayo ang isa, lumalapit naman siya sa kanyang puso at diwa. Walang distansya ang pwedeng maghiwalay sa taong nagmamahal. Ganito ang pag-ibig ng Diyos. Kahit nawala si Hesus sa ating paningin, dumating naman siya sa ating puso sa pamamagitan ng Espiritu ng pag-ibig.

Pero may kondisyon: ang nagmamahal, dapat marunong sumunod. "Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, mananahan ako sa inyo." Ang pananahan ni Hesus ay mabibigyang patotoo ng mga Kristiyanong nagsasabuhay ng kanyang aral. Hindi lamang dasal, kundi tamang asal, ang magpaparamdam sa mundo na si Hesus ay nasa ating gitna.

"Christians, to the extent that they are deficient in their moral life, conceal rather than reveal the true face of God and religion" (Gaudium et Spes)

Ramdam kaya sa ating lipunan ang pananahan ng Diyos sa ating gitna?

*Ikaanim na Linggo ng Pagkabuhay

Tatlong R

Totoo ang kasabihang 'love is an action verb.' Ang tunay na pag-ibig ay nagsasaad ng paggalaw o pagkilos - isang pagkilos patungo sa kapwa, at hindi sa sarili. Sa ebanghelyo, sinabi ni Hesus, "kung iniibig ninyo ako, tutupdin ninyo ang aking utos."

Ang pag-ibig ay hindi nagtatapos sa matinding emosyon. Dapat itong isalin sa kongkretong aksyon para sa kabutihan ng iba.

Nakikiisa ang ating parokya sa pagdiriwang ng 'Laudato Si' Week (ngayong buwan ng Mayo). Laudato Si ang pamagat ng kauna-unahang liham ensiklika tungkol sa pangangalaga ng kalikasan. Magkaugnay ang paraan ng pagtrato natin sa ating kapwa at sa inang kalikasan, sabi ni Papa Francisco sa nasabing liham.

Upang maipahayag natin ang tunay na "pag-ibig na kumikilos," kailangan natin ang: Respect, Responsibility, Relationship. Ang kakulangan ng isa sa mga ito ang sumisira sa ating ugnayan sa kapwa at sa kalikasan.

Respect. Ang kapwa ay hindi 'bagay' na ginagamit. Dapat nating kilanlin ang dangal ng bawat isa. Ang kawalan ng paggalang ang nagiging sanhi ng karahasan at pang-aapi sa kapwa. Ito rin ang ugat ng pang-aabuso sa kalikasan, na nauuwi sa polusyon at panganib sa kalusugan, tulad ng nararanasan natin ngayon.

Responsibility. Tayo ay "tagapag-ingat ng ating mga kapatid." Tulad ng Mabuting Samaritano, may pananagutan tayo sa iba, kahit sa mga 'taga-labas' o sa itinuturing na iba sa atin. Ang pagiging katiwala ng sangnilikha ay isang sagradong pananagutan natin sa harap ng Lumikha. Ang pag-ibig ay hindi bulag sa trahedyang dinaranas ng mga dukha sa lipunan. Dapat iwaksi natin ang pagsasawalang-kibo sa nagaganap na pagkasira ng kalikasan.

Relationship. Likas sa pag-ibig ang lumabas ng sarili para makipag-ugnay sa kapwa. Hindi makasarili ang pag-ibig. Hindi nito iniisip ang sariling kaluguran. Sa pamamaalam ni Hesus sa ebanghelyo, ipinahiwatig Niya na kailangan siyang umalis upang ang Espiritu Santo naman ang dumating.

Sa ugnayan (sa kapwa at kalikasan), kailangan din ang 'distancing.' Pinagyayaman nito ang ugnayan na nagsisilbing espasyo sa paglago ng pagkatao ng bawat isa. Kailangan din natin ang 'distancing' sa ating ugnayan sa kalikasan upang makita natin ito bilang kaloob na dapat linangin at pagyamanin, at hindi lang kasangkapan para sa pansariling kaluguran.

When human beings fail to find their true place in this world, they misunderstand themselves and end up acting against themselves”. [LS, 115]

*Ikaanim na Linggo ng Pagkabuhay (A)

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN