Sa Isang Salita: 'Wagi' ni Msgr. Noel
12 May 2024
 
Bakit tayo nagbubunyi kapag may mga pinoy na nagwawagi sa mga paligsahan sa ibang bansa, gaya ng America's Got Talent, The Voice, o kaya ay mga pinay na itinatanghal na Miss Universe? Ang sagot: sapagkat ang tagumpay nila ay tagumpay rin natin. Sa wakas ay naabot ng ating kalahi ang lugar na inaasam din nating maabot.

Tulad ito ng sinabi ng isang nanay: kahit hindi ako nakatuntong sa stage para tanggapin ang aking diploma, para na rin ako ang nagtapos kapag gumraduate na aking mga anak. Kahit di ko narating ang mga bansang napasyalan nila sa abroad, para na rin akong nakarating dahil napuntahan ito ng aking mga anak, sapagkat sila ay bahagi ko at ako ay bahagi nila.

Ito ang namamayaning mensahe ng Pag-Akyat sa Langit ni Hesus. Naabot na ng tao ang Langit. Damay tayo sa tagumpay ni Kristo: sapagkat inako niya ang ating pagkatao, kasama niya tayo sa pagbalik sa piling ng Ama sa langit.

Sabi ng prepasyo sa Misa: "Ang pagluklok Niya sa Kanan Mo ay katiyakang sasapit kami sa Iyo." "Christ is the beginning, the head of the church. Where he has gone, we, his body, hope to follow."

Hindi kalabisang sabihin na simula sa Pagkakatawang-Tao ng Anak ng Diyos hanggang sa Pag-akyat Niya sa langit, ang ating makataong pag-iral ay naging bahagi ng buhay ng Diyos. Tayo ay naging bahagi ng Diyos at ang Diyos ay naging bahagi natin. Nakatadhana ang tao at ang buong sangnilikha sa tagumpay at kaluwalhatian ng langit.

Sa Kapistahan ng Pag-akyat sa langit ni Hesus, iniwan Niya sa atin ang misyon na panumbalikin ang lahat kay Kristo. Itaguyod natin ang pamumuhay na marangal kaisa ng kapwa at sangnilikha, na naghihintay sa kaganapan ng pagliligtas.


*Linggo ng Pag-akyat sa Langit ng Panginoon

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN