 |
| |
| |
| Sa Isang Salita: 'Eukaristiya' ni Msgr. Noel |
| 02 June 2024 |
| |
|
Sa pagdiriwang natin ng Kapistahan ng Corpus et Sanguis Christi, ipinaaalaala sa atin ang mga pangunahing aral ng Simbahan tungkol sa Banal na Misa.
Salu-salo. Ang unang Misa ay naganap noong Huling Hapunan. Ang salu-salo ay simbolo ng pakikipagkaibigan at kapatiran. Ipinamalas ni Kristo ang kahulugan nito sa mga salu-salong kanyang ginawa sa piling ng mga dukha at yagit ng lipunan. Dahil dito, ang Misa ay paanyayang dumamay sa mga nangangailangan. Sa komunyon, hindi lamang natin tinatanggap si Hesus, kundi tinatawag din tayong maging katulad niya.
Presensya. Sa oras ng konsagrasyon, ang tinapay at alak ay nagiging katawan at dugo ni Kristo. Ito ang doktrina ng Tunay na Pamamalagi o Real Presence. Ito ang dahilan kung bakit ang mga Simbahan ay may tabernakulo kung saan nakalagak ang Ostia (mula sa salitang Latin, hostía, ibig sabihin ay handog). Eukaristiya lamang ang tinatawag nating Santisimo Sakramento (Holiest Sacrament) dahil dito natin tinatanggap nang buo si Hesus, katawan at dugo, ang buong Niyang pagkatao at pagka-Diyos.
Kung kinikilala natin ang presesya ni Hesus sa eukaristiya, dapat din nating makita siya sa katauhan ng mga dukha at ng mga nangangailangan. “The Eucharist commits us to the poor. To receive in truth the Body and Blood of Christ given up for us, we must recognise Christ in the poorest.” (CCC)
Sakripisyo. Ang paggunita ay hindi lamang pagbabalik sa nakaraan kundi ang pagdadala ng nakaraan sa kasalukuyan. Ang Misa ay pagsasa-ngayon ng Kalbaryo. Habang inaalaala natin ito, nagiging buhay ang presensya ni Kristo sa ating gitna, at nakikiisa tayo sa Misteryo ng Pasko - ang kanyang kamatayan at pagkabuhay.
The Church makes the eucharist; the eucharist makes the church. Madaling unawain ang ikalawang pangungusap: ang eukaristiya ang bumubuo at bumubuhay sa Simbahan. Subalit mahirap patunayan ang una: dapat makita sa buhay ng sambayanan ang diwa at kahulugan ng eukaristiya.
*Kapistahan ng Katawan at Dugo ng Panginoong Hesukristo |
|
| |
|
|
|
| |
| |
|
| |
|
| |
|
|