Sa Isang Salita: 'Hinirang' ni Msgr. Noel
10 July 2024
 
Tuwing Semana Santa lamang natin nabibigyang-pansin ang Labindalawang Apostol: sa ritu ng paghuhugas ng paa at sa prusisyon ng Biyernes Santo. Pero ang totoo, ang mga apostol ay may di-mapapalitang papel sa pag-iral ng Simbahan.

Ang mga apostol ang tanging tulay na nag-uugnay sa atin sa buhay at ministeryo ni Hesus. Sa katunayan, isa sa marka ng tunay na Simbahan ay ang pagiging 'apostoliko.' Ibig sabihin, ang simbahang itinatag ni Hesus ay nakasandig sa pagsaksi ng mga apostol.

Ayon kay Rene Latourelle, isang teologo, may tatlong katangian ang mga apostol: sila ay hinirang ni Hesus; sila ay naging saksi ng kanyang buhay; at inatasang mangaral ng ebanghelyo.

Kahit hindi natin nakita nang mukhaan si Hesus tulad ng mga apostol, nararanasan naman natin ang paggalaw ng kanyang Espiritu sa ating buhay. Tungkulin nating magpatotoo kay Hesus. Tayo ay hinirang din, sa bisa ng binyag, upang magpahayag.

Sa gitna ng lipunang nakakalimot sa Diyos, dapat masalamin sa ating buhay ang diwa at pagpapahalaga ng ebanghelyo. Ito ang pinakamabisang anyo ng pagpapahayag, ani Papa San Juan Pablo. "The best form of proclamation is the witness of our life."

*Miyerkules sa Ikalabing-apat na Linggo sa Karaniwang Panahon

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN