Sa Isang Salita: 'Katumbas' ni Msgr. Noel
15 July 2024
 
Paano nagawang manahimik ng mga Kristiyano noong panahon ng mapang-aping rehimen ni Hitler? Bakit hinayaan nilang mamayani ang kasamaan? Ito ang tanong sa isang panayam kay Dietrich Bonhoeffer, isang sikat na protestanteng teologo at pastor. Ang sagot niya: ito ay epekto ng turo hinggil sa "mumurahing grasya" (cheap grace). Ito ang 'grasya na walang krus, grasya na walang sakripisyo, grasya na walang Kristo.'

Wika ni Hesus sa ebanghelyo: “Huwag ninyong isiping naparito ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa; naparito ako upang magdala ng tabak, hindi kapayapaan."

Ang pagsunod kay Hesus ay isang pagsuong sa panganib. Hindi maaring magpadala sa agos ang isang kristiyano. Dapat ay handa siyang manindigan para sa katotohanan.

Ang hatid ni Kristo ay hindi 'kapayapaan' ng pakikisabwat sa tiwaling kalakaran ng mundo, kundi 'tabak' ng pagkalas sa lumang gawi at pagwawaksi sa maling sistema sa lipunan.

Noon ay may hamon si Archbishop Soc Villegas sa kanyang Liham Pastoral hinggil sa wastong "hand posture" habang inaawit ang Ama Namin sa Banal Na Misa. Sabi niya, mayroon mas dapat na pagtuunan ng pansin kaysa rito:

"We should be more concerned about hands that steal government money fomenting the culture of political robbery at the expense of the poor. We should be more concerned and stand up against the evil hands on the computer keyboards typing lies..."

Sa ating lipunan ngayong nababalutan ng dilim, handa ka bang pumanig sa liwanag?

*Lunes sa Ikalabing-limang Linggo sa Karaniwang Panahon

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN