|
|
|
HOLY MASS |
06 December 2024 |
|
|
BIYERNES, DISYEMBRE 6, 2024
UNANG PAGBASA Isaias 29, 17-24
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Ito ang sinasabi ng Panginoon: “Hindi magluluwat, ang kagubatan ay magiging bukurin, at ang bukurin ay magiging kagubatan.” Sa panahong iyon maririnig ng bingi ang pagbasa sa isang aklat; at makakakita ang mga bulag. Ang mababang-loob ay muling liligaya sa piling ng Panginoon, at pupurihin ng mga dukha ang Banal ng Israel. Sapagkat ang malupit at mapang-upasala ay mawawala na, gayon din ang lahat ng mahilig sa kasamaan. Lilipulin ng Panginoon ang lahat ng naninirang-puri, mga sinungaling na saksi at nagkakait ng katarungan sa mga matuwid. Ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Diyos na tumubos kay Abraham, tungkol sa sambahayan ni Jacob: “Mula ngayon, ang bayang ito ay wala nang dapat ikahiya o ikatakot man. Kung makita ng kanyang mga anak ang aking mga ginawa, iingatan nilang banal ang aking pangalan; Igagalang nila ang itinatanging Banal ni Jacob, at dadakilain ang Diyos ng Israel. Ang mga nalilihis sa katotohanan ay magtatamo ng kaunawaan, Ang mga matigas ang ulo ay tatanggap na ng pangaral.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN Salmo 26, 1. 4. 13-14
Panginoo’y aking tanglaw, siya’y aking kaligtasan.
Tanglaw ko’y ang Poon, aking kaligtasan, kaya walang takot ako kaninuman; sa mga panganib kanyang iingatan, kaya naman ako’y walang agam-agam.
Panginoo’y aking tanglaw, siya’y aking kaligtasan.
Isang bagay lamang ang aking mithiin, isang bagay itong sa Poon hiniling: ang ako’y lumagi sa banal na templo upang kagandahan niya’y mamasdan ko at yaong patnubay niya ay matamo.
Panginoo’y aking tanglaw, siya’y aking kaligtasan.
Ako’y nananalig na bago mamatay masasaksihan ko ang ‘yong kabutihan na igagawad mo sa mga hinirang. Sa Panginoong Diyos tayo’y magtiwala! Ating patatagin ang paniniwala; tayo ay umasa sa kanyang kalinga!
Panginoo’y aking tanglaw, siya’y aking kaligtasan.
ALELUYA
Aleluya! Aleluya! Panginoon ay darating, bibigyan n’ya ng paningin mga bulag na gagaling. Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA Mateo 9, 27-31
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, pag-alis ni Hesus sa lugar na iyon, sinundan-sundan siya ng dalawang lalaking bulag. Sumisigaw sila na ang wika, “Anak ni David, mahabag kayo sa amin!” Pagpasok ni Hesus sa bahay, lumapit sa kanya ang mga bulag. Tinanong sila ni Hesus, “Naniniwala ba kayo na magagawa ko ito?” “Opo, Panginoon,” sagot nila. At hinipo niya ang kanilang mga mata, at sinabi, “Mangyari sa inyo ang ayon sa inyong paniniwala.” At nakakita na sila. Mahigpit na ipinagbilin sa kanila ni Hesus na huwag sasabihin ito kaninuman. Ngunit nang sila’y makaalis, ibinalita nila sa buong lupaing yaon ang ginawa sa kanila ni Hesus.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon. |
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|