Sa Ibang Salita ni Msgr. Noel
07 September 2025
 
Nagbabagong Klima. "Si Jesus ay bumangon, pinatigil ang hangin at dagat, at nagkaroon ng ganap na katahimikan."

Kakaiba ang ating panahon ngayon. Dumadating ang unos ng climate change. Matitinding bagyo, matagal na tagtuyot, pagbaha, pagkasira ng kagubatan, polusyon sa hangin at tubig—parang bangkang pinapasok ng tubig ang ating mundo. Natatakot ang marami, at ang iba’y nawawalan ng pag-asa.

Ang Season of Creation ay panahon ng panalangin at pagkilos upang pangalagaan ang mundo, ang iisang tahanan na ibinigay sa atin ng Diyos.

Tinatawag tayo sa isang ekolohikal na pagbago ng puso: mula sa kasakiman tungo sa kasapatan, mula sa pag-abuso tungo sa pag-aalaga, mula sa pagiging “may-ari” tungo sa pagiging katiwala ng mundo.

Alalahanin natin ang ilang "luntiang gabay" para maging tunay na alagad ni Kristo sa panahon ng krisis ekolohikal.

1. Sapat Principle – Mamuhay nang simple, ayon sa kailangan. Hindi lahat ng gusto natin ay kailangan.

Sabi ni Pope Francis: “Less is more.” Ang tunay na kasaganaan ay hindi sa dami ng gamit o konsumo, kundi sa simpleng pamumuhay na may kasapatan. Kung mamumuhay tayo nang may kasapatan, hindi sosobra ang basura, hindi mauubos ang likas-yaman.

Ang ecological conversion ay nagtuturo na talikuran ang kultura ng pag-aaksaya, at mamuhay nang may kababaang-loob at katarungan para sa lahat.

2. Principle of Social Justice – Tulungan natin ang maliliit higit sa malalaki. Help the small more than the big. Empower the poor.

Ang pinakamalaking biktima ng climate change ay ang mahihirap—mga magsasakang walang ani dahil sa tagtuyot, mga pamilyang binabaha at nililipat dahil sa mga proyekto, mga mangingisdang nawawalan ng huli dahil nalason na ang dagat. Ang tunay na katarungan ay nasa pagpapanig sa kanila, hindi sa interes ng iilang malalaking kumpanya na nagdudulot ng polusyon.

3. Principle of Self-Sufficiency – Gawin ang magagawa nating likhain para sa ating pangangailangan. Make what we need. Grow our own food.

Bumalik tayo sa sariling ani, sariling produkto, sariling gawa. Kapag umaasa tayo palagi sa labis na import, sa labis na industriya na sumisira sa kalikasan, tayo rin ang lugi.

Ang unos ay totoo—pero kasama natin si Kristo sa bangka ng ating mundo. Kung tayo’y kikilos ayon sa pananampalataya at pangangalaga sa nilikha, makakarating tayo sa pampang ng bagong buhay.

*Misa para sa Pangangalaga sa Sangnilikha, Unang Linggo ng Setyembre

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN