 |
| |
| |
| Sa Ibang Salita ni Msgr. Noel |
| 28 September 2025 |
| |
|
Layaw. Mahirap ang mabuhay sa luho. Nasasanay sa kaalwanan ng buhay. Nawawalan ng gana sa pagtulong sa kapwa. Nabubulag sa paghihirap na nagaganap sa paligid. Sarili ang nagiging sentro ng buhay.
Ito ang kinahinatnan ng Mayaman (Dives) sa talinghaga. Dahil sa labis pagpapasasà sa pagkain at kaligayahan ng mundo, naging manhid ang kanyang puso. Hindi niya 'nakita' ang pulubing si Lazaro na nakahandusay sa kanyang bunsuran. Habang namamatay si Lazaro sa gutom, 'namamatay' rin ang Mayaman sa kasakiman.
Ang labis na paggasta ng yaman, kahit na ito ay ating pag-aari, ay isang insulto sa dangal ng mahihirap na nasa ating paligid. Ang salapi at anumang pag-aaring mayroon tayo ay dapat gamitin nang may panlipunang pananagutan.
Ang pagtanggi sa sariling luho ay isang mabisang paraan upang basagin ang ating pusong pinatigas ng pagsasawalang kibo at kakapusan ng malasakit.
*Ikadalawampu't limang Linggo sa Karaniwang Panahon (K) |
|
| |
|
|
|
| |
| |
|
| |
|
| |
|
|