 |
| |
| |
| Sa Isang Salita: 'Panalo' ni Msgr. Noel |
| 24 May 2020 |
| |
|
Bakit nagbubunyi ang mga pinoy kapag may kababayan tayong nagwawagi sa mga patimpalak sa ibang bansa? Dahil ang tagumpay nila ang tagumpay rin natin. Sa ating pananaw, naabot sa wakas ng ating kalahi ang lugar na inaasam din nating maabot.
Katulad ito ng sinabi ng isang tatay: "kahit hindi ako nakatuntong sa stage para tanggapin ang aking diploma, para na rin ako ang nagtapos kapag gumraduate na aking mga anak." O kaya: "Kahit di ko narating ang mga bansang napasyalan nila sa abroad, para na rin akong nakarating doon dahil napuntahan ito ng aking mga anak, sapagkat sila ay bahagi ko at ako ay bahagi nila."
Ito ang mensahe ng Kapistahan ng Pag-Akyat sa Langit ni Hesus. Naabot na ng tao ang Langit. Damay tayo sa tagumpay ni Kristo: sapagkat inako niya ang ating pagkatao (incarnation), 'bitbit' nya ito sa pagbalik sa piling ng Ama sa langit. "Ang pagluklok nya sa Kanan Mo ay katiyakang sasapit kami sa Iyo." "Christ is the beginning, the head of the church. Where he has gone, we (his body) hope to follow."
May isa pang dimension ang kapistahang ito: dapat maipanalo rin natin ang simulain ni Kristo sa mundo. Ito ang ibig sabihin ng Misyon: "Humayo kayo... At ipahayag ang Ebanghelyo." Ipanalo natin ang misyong sinimulan ni Cristo.
W.I.N.
Witnessing: Ang mabuting halimbawa ay higit na matimbang kaysa isang libong salita. Ang pagsaksi ang pinakamabisang paraan ng pangangaral. "A holy man is like a stained glass window: he lets the light shine through."
I-nstruction: Uhaw ang tao sa kapaliwanagan. Maraming naghahanap sa kahulugan. Ang mga layko ay mga pasibong tagapakinig lamang. Dapat din silang magbahagi at magturo. Sila ay tinatawag na maging 'bibig' at 'kamay' ni Hesus. Sa ngayon, mas kilala ng mga kabataan si Spiderman, Superman, Batman at IronMan, kaysa kina Abraham, Jacob, David, Gideon at iba pang tauhan sa biblia. Kinukulang na tayo sa pagtuturo ng ating pananampalataya.
N-ovelty: New zeal, new emphasis, new strategy ay kailangan sa pagpapahayag ng ebanghelyo. Sabi sa isang sine: "Ang mundo ang parang malaking Quiapo, maraming snatcher." Ang media ay isang malaking daigdig (world wide web), dapat iparinig dito ang Salita para hindi maagaw ng mundo ang puso ng tao sa Diyos. Gamitin natin nang maayos ang social media, hindi sa pagpapakalat ng fake news, kundi sa pagpapalaganap ng Good News.
*Linggo ng Pag-akyat sa Langit ni Hesus |
|
| |
|
|
|
| |
| |
|
| |
|
| |
|
|