 |
| |
| |
| Sa Ibang Salita ni Msgr. Noel |
| 24 December 2025 |
| |
|
Bukang-liwayway. Kung kailan pinakamatindi ang dilim ng gabi, iyon ang hudyat na malapit na ang bukang-liwayway ng bagong araw. Ganito ang kasaysayan ng pagliligtas. Matapos ang mahabang panahon ng pamumuhay sa karimlan, nabanaagan ng bayang Israel ang pagbubukang liwayway ng kaligtasan.
Personal na nasaksihan ni Zacarias ang kaganapan ng pagliligtas ng Diyos. Isinilang si Juan mula sa kanyang angkan upang ihanda ang daraanan ng Mesias. Ang Diyos ay tapat sa kanyang pangako. Kaya sa kanyang awit, sinabi ni Zacarias: "Magbubukang-liwayway sa atin ang araw ng kaligtasan..."
Walang laban ang dilim sa liwanag. May sandaling parang ito'y namamayani, subalit sa huli, ang kabutihan at katotohanan pa rin ang magtatagumpay.
Sa harap ng kawalang katarungan, katiwalian, kawalang paggalang sa buhay at pagkasira ng kalikasan na kinakaharap ng ating lipunan, may dahilan pa rin tayo para umasa. Ayon kay Papa Francisco, “Ang Diyos na lumikha ng lahat mula sa kawalan ay maaari ring pumasok sa ating kasaysayan upang gapiin ang lahat ng anyo ng kasamaan” (Laudato Si, 74).
*Disyembre 24, Misa de Gallo |
|
| |
|
|
|
| |
| |
|
| |
|
| |
|
|