 |
| |
| |
| Sa Ibang Salita ni Msgr. Noel |
| 07 January 2026 |
| |
|
Daluyong. Sa panahong ito ng nagbabagong klima, malimit tayong makaranas ng mga bagyo at daluyong. Walang laban ang tao sa pwersa ng kalikasan. Ramdam natin ang ating kahinaan at kaliitan.
Sa ebanghelyo, nakita nila si Hesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig. Sinabi sa kanila ni Hesus: "huwag kayong matakot, Ako ito." Ang pagpapakilala ni Hesus ay katumbas ng banal na pangalan ng Diyos: "Ako ay si Ako Nga." Ito ang pangalang ipinahayag ng Diyos kay Moises. Patunay ito ng presensya ng Diyos sa kasaysayan ng kanyang bayan.
Sa ating paglalakbay sa dagat ng buhay, ang Diyos ay "nasa ibabaw" ng mga alon at daluyong. Sa mga sandali ng dilim at pagkabagabag, na tila di natin maramdaman ang kanyang presensya, nananatiling si Hesus ang may kontrol ng lahat. Sabi ng isang typhoon survivor: "higit na malakas ang ating Diyos kaysa hagupit ng anumang bagyo."
*Miyerkules pagkatapos ng Epipaniya |
|
| |
|
|
|
| |
| |
|
| |
|
| |
|
|