Sa Ibang Salita ni Msgr. Noel
18 January 2026
 
Santo Niño. Bakit kinalulugdan ng Diyos ang may kaloobang tulad ng sa bata? Dahil sa puso ng isang bata, laging may puwang ang kapwa. Alam ng bata na hindi siya kumpleto. Kailangan niya ang tulong ng mga taong nasa paligid niya. Ganito tayo sa harap ng Diyos. "We are perpetually God's children in Christ by virtue of baptism." Hindi tayo kumpleto kung wala ang Diyos. Kailangan nating ang grasya ng kanyang pagkupkop at pagliligtas.

Ang pagiging tulad ng bata ang nagbubuklod sa atin sa mga pinakaaba at dukha. Ang mga bata ay sagisag ng mga mahihina at walang kapangyarihan sa lipunan. Pinili ng Diyos na mahayag ang kanyang pagka-Diyos sa karalitaan. Wala sa palasyo ang hari ng sansinukob. Naroon siya sa sabsaban.

Sa mga aba at mga dukha ang espesyal na lugar ng pagbubunyag ng Diyos. Sila ang magtatakda ng kahatulan sa huling araw ng ating buhay. "Anuman ang gawin ninyo sa mga maliliit na ito ay ginagawa ninyo sa Akin," sabi ni Hesus.

Sa gitna ng maraming kalamidad na nararanasan ng ating bansa, magi nawa nating panata ngayong Kapistahan ni Sto. Niño ang hanapin si Hesus sa lugar ng mga naghihirap at nangangailangan ng pagdamay at paglingap. "Sapagkat ako'y nagugutom at ako'y inyong pinakain.. ako'y walang damit at ako'y inyong pinaramtan."

*Kapistahan ng Señor Sto. Niño

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN