 |
| |
| |
| Sa Ibang Salita ni Msgr. Noel |
| 25 January 2026 |
| |
|
Liwanag sa Dilim. Sa Zabulon at Neptali nagsimulang mangaral si Hesus. Ito ay lugar ng mga pagano noon, sagisag ng mundong balot sa karimlan. Hatid ng Salita ni Hesus ang liwanag sa gitna ng kadiliman.
Ngayong National Bible Sunday [at Sunday of the Word of God], mainam na itanong: paano 'tumatalab' ang kapangyarihan ng Salita sa buhay ng ating bansa.
Pagkatapos ng mahigit na 500 taon ng ebanghelisasyon, nahaharap tayo sa isang masakit ngunit tapat na pagsusuri sa ating pananampalataya. Masigla ang debosyon, malakas ang dasal, madaming tao sa misa, masigasig sa ritwal - ngunit kulang sa pagbabago ng asal.
Kasabay nito ang malalim na ugat ng korapsiyon. Hindi ito aksidente, kundi bunga ng pananampalatayang ipinagdiriwang ngunit hindi isinasabuhay. Ang pananampalataya ay ikinulong sa loob ng simbahan—sa nobena, prusisyon, at seremonya—ngunit hindi tumatawid sa negosyo, pulitika, at pamamahala.
Dito umuusbong ang kultura ng kapatawaran na walang pagbabagong-buhay: magsisimba, mangungumpisal, mag-aalay—at babalik sa dating gawi. Paulit-ulit ang siklo. Ang resulta: mga lider na nakaluhod sa simbahan ngunit magnanakaw sa kaban ng bayan; mga mamamayang nagdarasal para sa mabuting pamahalaan ngunit patuloy na bumoboto sa parehong bulok na sistema. Maingay sa panalangin, ngunit tahimik sa moralidad. Ito ang Simbahang kontento sa altar ngunit mailap sa kalsada.
Kung ang pananampalataya ay hindi umaabot sa araw-araw na pamumuhay, mananatili tayong relihiyoso sa anyo ngunit hungkag sa bunga. Ang hamon: mula seremonya tungo sa pagkilos, mula sa Simbahan tungo sa lansangan —sapagkat ang tunay na Kristiyanismo ay nasusukat hindi lang sa dami ng dasal, kundi sa tapang na mamuhay nang matuwid.
Ito ang paalala ng National Bible Sunday: maging tagapakinig at tagaganap ng Salita. Sapagkat ang Salitang binabasa sa simbahan ay dapat maging liwanag na sisindak sa dilim ng kasalanang panlipunan.
*Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon/ National Bible Sunday [Sunday of the Word of God] |
|
| |
|
|
|
| |
| |
|
| |
|
| |
|
|