Sa Ibang Salita ni Msgr. Noel
29 March 2026
 
Pasyon. Ang Pasyon - ang paghihirap at kamatayan ni Kristo - ay hindi lamang kuwento ng paghihirap. Ito ay kuwento ng pag-ibig na ipinahayag sa pamamagitan ng sakripisyo.

Hindi nagdusa si Hesus dahil lamang mahalaga ang pagdurusa. Siya ay nag-alay ng sarili dahil sa pag-ibig. Ang krus ay hindi lamang pagpapakasakit; ito ay pagmamalasakit. Kusang loob niyang iniaalay ang kanyang buhay para sa atin.

Dito natin nauunawaan ang tunay na diwa ng ating mga gawain sa Kuwaresma. Ang Kuwaresma ay hindi tungkol sa pagpapahirap sa sarili. Ito ay pagsasanay kung paano magmahal sa pamamagitan ng pag-aalay ng sarili. Sa ating parokya, isang konkretong paraan nito ang Balik-Handog.
Sa liwanag ng Pasyon ni Hesus, makikita natin ang Balik-Handog bilang paraan ng pagmamahal sa panahon ng Kuwaresma.

1. Simplify and Give. Tinuturuan tayo ng Kuwaresma na mag-ayuno. Ngunit ang pag-aayuno ay hindi lamang tungkol sa pag-iwas sa pagkain o sa ilang bagay. Ang tunay nitong layunin ay maging payak ang pamumuhay upang makita kung ano ang tunay na mahalaga.

Minsan, nagiging masyadong puno ang ating buhay—maraming gusto, maraming alalahanin, maraming bagay na hinahabol. Ang pag-aayuno ay paalala na hindi lahat ng bagay ay mahalaga.

Kapag simple ang buhay, mas nakikita natin ang tunay na mahalaga: ang Diyos, ang pamilya, ang pamayanan, at ang kapwa. Kapag naglalaan tayo ng bahagi ng ating panahon, talino, o yaman para sa Diyos at sa kapwa, para nating sinasabi: “Panginoon, ang buhay ko ay hindi lamang para sa sarili ko.”

2. Share Your Blessings. Ang Pasyon ay nagpapakita rin ng isang katotohanan tungkol sa Diyos: ang tunay na pag-ibig ay mapagbigay. Hindi minahal ng Diyos ang mundo mula sa malayo lamang. Siya ay nagbigay. Ibinigay niya ang kanyang Anak.
Ganyan din ang paanyaya sa atin ng Balik-Handog. Ang lahat ng mayroon tayo—ang ating kakayahan, panahon, at yaman—ay mga biyayang ipinagkatiwala ng Diyos sa atin.

Kapag tayo ay nagbabahagi, ang dating “akin” ay nagiging “atin.”

3. Serve with Love. Sa huli, ipinapakita ng Pasyon na ang pinakamataas na anyo ng sakripisyo ay paglilingkod na may pag-ibig.
Sa krus, ipinakita ni Hesus na ang tunay na kadakilaan ay hindi nasa kapangyarihan kundi nasa pag-aalay ng sarili para sa iba. May isang magandang sinabi si Saint Augustine of Hippo: "Love and do what you will.” Hindi ibig sabihin nito na puwede na nating gawin ang kahit ano. Ang ibig sabihin nito ay kapag tunay ang pag-ibig, ang lahat ng gagawin mo ay magiging tama, dahil nagmumula ito sa malasakit at hindi sa sarili lamang.

*Linggo ng Palaspas [Linggo ng Pagpapakaakit ng Panginoon]

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN