 |
| |
| |
| Sa Ibang Salita ni Msgr. Noel |
| 19 April 2026 |
| |
|
Biyahe. Ang paglalakbay ng dalawang alagad patungo sa Emaus ay larawan ng ating buhay. Ginamit ni San Lukas ang isa sa mga istorya ng Pagkabuhay upang ituro ang aral sa tungkol sa eukaristiya.
Ang ating buhay ay tulad ng Banal na Misa. Nararanasan natin dito ang ilang mahahalagang sandali sa ating buhay:
1. Pagpapatawad. Tulad ng mga alagad na naglalakad tungo sa Emaus 'na nalulumbay,' sinisimulan din natin ang Misa sa pagsisisi at pagkalungkot sa madilim na nakaraan. Sa ating kalungkutan, naalaala natin ang ating kawalan at kakulangan. Nagkakaroon ng lugar ang Diyos sa ating puso.
2. Pakikinig. "Word brings truth to light." Nag-aalab ang puso ng mga alagad habang nakikinig sila kay Hesus. Nabibigyang kahulugan ng Salita ang mga hiwagang nagaganap sa ating buhay. Sa liwanag ng Salita, may kahulugan ang ating makataong karanasan.
3. Pananalig. "Stay with us Lord, for evening draws near." Pinatitingkad ng krisis na ating kinakaharap ang pangangailangan nating magdasal at umasa sa biyaya ng langit. Hindi tayo pwedeng manghawakan sa bagay. Tanging sa Diyos may katiyakan ang buhay.
4. Pagbabahagi. Nabuksan ang mga mata ng mga alagad. Nakilala nila si Hesus sa pagpipira-piraso ng tinapay. Ito ang eukaristiya. Sa pagbabahagi ng sarili, nagiging totoo ang Misa sa ating buhay. Kahit "naglaho na si Hesus" sa ating paningin, nanatiling Siyang buhay sa paglilingkod at pagbabahaginan ng mga nananalig.
5. Paghayo. Nagmamadaling bumalik sa Jerusalem ang mga alagad upang ipahayag ang magandang balita. Hindi na nila nagawang magpahinga. Walang pagkapagod sa wagas na naglilingkod.
Totoo nga na ang Misa ay ating buhay. At ang ating buhay ay isang misyon.
*Ikatlong Linggo ng Pagkabuhay |
|
| |
|
|
|
| |
| |
|
| |
|
| |
|
|