Sa Ibang Salita ni Msgr. Noel
21 June 2026
 
Takot. Sabi ng isang peace advocate: "Ang pinakamasaklap na trahedya ay hindi ang mamatay, kundi ang unti-unting mamatay ang pangarap, tapang, at malasakit mo habang buhay ka pa.”

Ano ang dapat katakutan? Hindi kamatayan kundi ang kawalan ng pananalig. Hindi salot ang dapat katakutan kundi kasalatan sa pag-ibig. Ito ang pumapatay sa ating espiritu.

Nakakalungkot kung mas matatakot tayong mawalan ng pera kaysa mawalan ng dangal.

Bakit nagagawa ng mga bayani at martir ang magbuwis ng buhay para Diyos at sa bayan? Dahil batid nilang sa kanilang pagpanaw, higit pa sa buhay ang kanilang makakamtan. The opposite of fear is not courage but trust. Kapag matindi ang tiwala natin sa Diyos, magagawa nating suungin ang mga paghihirap at pagsubok.

Kung binibilang ng Diyos maging ang mga buhok sa ating ulo, tiyak na binibilang din Niya ang ating mga luha, mga sakripisyo, at ang ating katapatan. Kaya walang dahilan para matakot.

Huwag tayong matakot magsalita para sa katotohanan at katarungan, sapagkat ang pananahimik sa harap ng mali ay pakikibahagi rin sa kasamaan. Ang pananampalataya ay hindi lamang lakas ng loob na maniwala, kundi lakas ng loob ding magsalita para sa tama.

“Tunay na tao ka kung kaya mong tiisin ang hirap para sa kabutihan, katotohanan, at katarungan. Kung mas inuuna mo ang sarili mong ginhawa kaysa sa tama, mananaig ang karahasan at kasinungalingan.”_ — Pope Benedict XVI

*Ikalabing dalawang Linggo sa Karaniwang Panahon

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN