Sa Isang Salita: 'Hain' ni Msgr. Noel
11 June 2020
 
Ang anumang handog na iniaalay natin sa altar ay simbolo ng ating buhay. Ang ating dasal ay dapat sumalamin sa uri ng pamumuhay na mayroon tayo. Ang ating hain ay dapat maging repleksyon ng mabuting pakikitungo sa kapwa.

"Lex orandi, lex vivendi." The rule of prayer, the rule of life. Hindi lamang dapat baguhin ng dasal ang ating asal. Dapat ding magpatotoo ang kabutihang asal sa ating dasal.

Ani Hesus, kung naghahandog ka at naalaala mong may sama ng loob ang kapatid mo, iwan mo muna ang iyong handog, makipagkasundo ka sa kanya at saka ka bumalik upang maghandog sa Diyos.

Ang kahulugan ng salitang 'komunyon' ay bahaginan ng buhay. Sa paglapit natin sa altar, nakakaisang buhay natin si Hesus na ating tinatanggap sa paraang sakramental. Kaisang buhay o kasundo rin kaya tayo ng ating kapwa?

Higit na may saysay sa atin ang komunyon kung tayo mismo ay nagiging katulad ng haing ating pinagsasaluhan sa hapag ng eukaristiya.

*Huwebes sa Ikasampung Linggo sa Karaniwang Panahon

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN