Sa Isang Salita: 'Takot' ni Msgr. Noel
21 June 2020
 
Pinatingkad ng pandemyang dinaranas natin sa kasalukuyan ang isang katotohanan: walang katiyakan ng buhay. Lubhang totoo ang banta ng kamatayan. Marami ang nababahala; nag-aalala para sa kanilang kaligtasan.

Paalaala ni Hesus sa ebanghelyo: "Huwag ninyong katakutan ang pumapatay ng katawan ngunit hindi nakapapatay ng kaluluwa. Sa halip, ang katakutan ninyoy ang nakapapatay ng kaluluwa at katawan sa impiyerno."

Hindi kamatayan ang dapat katakutan kundi ang kakulangan sa pananalig. Hindi salot ang dapat katakutan kundi kawalan ng pag-asa at kasalatan sa pag-ibig. Ito ang pumapatay sa ating espiritu. Nakakalungkot kung mas matatakot tayong mawalan ng pera kaysa mawalan ng dangal. Nakakapanglumo na may ilang nagsasamantala upang magkamal ng yaman habang naghihirap ang karamihan. May ilang nasa kapangyarihan nagpupumilit isulong ang pansariling interes sa gitna ng krisis na kinakaharap ng lipunan. Nawawala nga ang takot - pero sa maling dahilan.

Hindi lahat ng takot ay masama. Ang takot sa paggawa ng kasalanan ay isang biyaya. Kalimitan, ang sobrang lakas ng loob o tapang ay nauuwi sa kapahamakan. "Ang pagkatakot sa Diyos ay simula ng karunungan."

Sa mas positibong pagtingin, ang takot sa Diyos ay ekspresyon ng paggalang at pagmamahal. Ito ay pagkilala na ang Diyos lamang ang may-ari ng buhay. Walang anumang kapangyarihan sa lupa ang pwedeng pumuksa sa tao. Diyos lamang ang may hawak ng lahat.

Ngayong panahon ng ligalig, maging dasal natin ang sinasabi sa aklat ng mga Awit: "Ang Diyos ang aking liwanag at kaligtasan, kanino ako matatakot. Ang Diyos ang tanggulan ng aking lakas, kanino ako masisindak."

*Ikabing dalawang Linggo sa Karaniwang Panahon

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN