Sa Isang Salita: 'Judgmental' ni Msgr. Noel
22 June 2020
 
'Wag judgmental,' ang pamagat ng segment sa isang noontime show. Bagamat isa lamang itong laro ng pahulaan, may isang aral itong iniiwan: hindi porma o ganda ng itsura ang maaaring pagbasehan ng mga kalahok sa pagkilatis sa tunay na katatayuan sa buhay ng iba.

Sa Ebanghelyo, ang tagubilin ni Hesus, "Huwag kayong humatol, upang di kayo mahatulan... ang panukat na ginamit ninyo sa iba, ay siya ring panukat na gagamitin sa inyo." Ang nakikita ng tao ay panlabas na anyo. Tanging Diyos lamang ang nakatatalos ng nilalaman ng ating puso.

Hindi natin alam ang ibat ibang hirap at pagsubok na pinagdadaanan ng ating kapwa. Bawat isa ay may kanya-kanyang isyu at problema. Kaya dapat maging mahinahon tayo sa pagpuna sa pagkukulang ng iba. Wala sa atin ang karapatang humusga.

Mainam na ating taglayin ang pananaw ng Diyos sa pakikitungo sa ating kapwa. Ang dapat nating gamitin ay ang panukat ng habag at pang-unawa.

*Lunes sa Ikalabing-dalawang Linggo sa Karaniwang Panahon

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN