 |
| |
| |
| Sa Isang Salita: 'Marunong' ni Msgr. Noel |
| 05 July 2020 |
| |
|
"Things that really matter, we no longer understand," sabi ng aklat na 'The Little Prince.'
Madaling makaligtaan ng tao ang mga bagay na tunay na mahalaga. Ang ating lipunan ay higit na maalam kaysa marunong. Sa pagdami ng batas, sa pagdami rin ng paglabag; sa pagtaas ng pinag-aralan, sa pagbaba rin ng moralidad. Ang poder na dapat gamitin sa paglilingkod ay inaabuso at ginagawang instrumento ng panggigipit at pambubusabos.
Ang labis na dunong ng tao ay malimit nauuwi sa kabaliwan. Mahirap lagyan ng laman ang sisidlang marami nang nakalagay.
Ang makabagong mundo ay may kakaibang anyo ng 'kabaliwan.' Narating na ng tao ang kalawakan, pero hindi ang kanyang kalooban; mayroon tayong mga instrumento para makita ang mga bagay mula sa malayo, pero nakakaligtaan nating 'makita' ang ating kapwang nasa paligid lamang . Bilyong dolyar ang ginugugol ng tao sa paghahanap ng bagong planeta, pero bilyong dolyar ang ginagastos natin para sirain ang mundong ating tirahan.
Tunay ngang ang itinuturing na karunungan ng tao ay kamangmangan sa paningin ng Diyos. Wika ni Hesus, "inilihim mo, Ama, ang mga bagay na ito sa mga pantas at inihayag sa mga taong may isipang tulad ng sa bata."
*Ikalabing-apat na Linggo sa Karaniwang Panahon |
|
| |
|
|
|
| |
| |
|
| |
|
| |
|
|