Sa Isang Salita: 'Bundok' ni Msgr. Noel
06 August 2020
 
Sa biblia, itinuturing ang bundok bilang pook ng pakikipagtagpo sa Diyos. Halos humalik na sa pisngi ng langit, ang bundok ay pinaniniwalaan ng mga Judio bilang lugar ng pagbubunyag ng Diyos.

Inahon ni Hesus ang bundok ng Tabor. Dito nalantad ang kanyang kaluwalhatian sa Pagbabagong Anyo. Ipinako si Hesus sa bundok ng Kalbaryo, ang pook ng sakripisyo at kamatayan. Ayon sa ilang teologo, ang Diyos ay "Deus absconditus" (salitang Latin na ang kahulugan ay "Nagtatagong Diyos"). Kapwa ikinukubli at inihahayag ng Krus ang pagka-Diyos ni Hesus. Doon sa Kalbaryo, animo'y nalupig ang liwanag, subalit nagtatago lang pala ito sa likod ng maitim na ulap.

Dalawa ang mukha ng buhay ng Kristiyano. Nagbubunyag ang Diyos ng kanyang sarili, hindi lang sa panahon ng kagalakan at kaluwalhatian. Maging sa sandali ng lungkot at kapighatian, ang Kanyang presenya ay mararanasan.

Anumang bundok ng buhay ang ating ahunin,
may pahayag sa atin ang Natatagong Diyos: lagi siyang kapiling natin, kumikilos at nagpaparamdam ng kanyang presensya - kahit sa sandaling sa pakiwari natin tayo'y nag-iisa at pinabayaan.

*Kapistahan ng Pagbabagong Anyo ng Panginoon

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN